HINDI maiiwasan na kung minsan, ang isang reputableng kumpanya ay nalalagay sa alanganin dahil sa kagagawan ng ilang pabayang empleyado.
Ganito ang tingin ng BITAG sa isyu ng isang reklamong ipinaabot sa aming tanggapan ng isa sa mga kostumer ng Standard Insurance Co. Inc.
Ang Overseas Filipino Worker na nagrereklamo, masama ang karanasan sa Standard Insurance, Dasmariñas, Cavite branch.
Hinaing ng biktima, July 2010 nang ipaabot niya sa Standard Insurance ang pagkasira ng bumper ng kaniyang sasakyan.
At dahil insured sa nasabing kumpanya ang kaniyang sasakyan, inasikaso naman daw siya nito.
Sa isang accredited car repair center sa Dasmariñas, Cavite dinala ang kaniyang sasakyan.
Ang problema, ilang buwan ang lumipas, nang muli niyang balikan ang kaniyang kotse sa nasabing repair center, ikinagulat niya na chinop-chop na ito. Tanging kaha na lamang ang natira at wala na ang interior.
Ipinaabot ng nagrereklamo ang problema sa Standard Insurance, Dasmariñas Cavite branch. Nangako naman ang mga itong paplantsahin ang nasabing gusot dahil accre-dited naman daw nila ang nasabing repair center.
Ang siste, taong 2011 na, wala pa ring maisagot at wala pa ring resulta ang pagpapagawa ng sasakyan ng pobre.
Ang masahol dito, nagsara na ang car repair center na pinagdalhan sa kaniyang sasakyan. Hindi na rin alam ng biktima kung nasaan na ang kaniyang kotse.
Dito na siya lumapit sa BITAG, Setyembre ng taong ito upang magpatulong. Pinagpapasa-pasahan na raw kasi siya na parang bola ng Standard Insurance mula sa tanggapan nito sa Cavite hanggang sa main office.
Nang bisitahin ng BITAG ang car repair service center, sarado na nga ito at wala ang sasakyan ng OFW na nagre-reklamo.
Ayon sa mga nakapaligid sa lugar na ilan ay kamag-anak ng may-ari ng car shop, kilalang dorobo raw katransaksiyon ng biktima. Marami na raw ang nagrereklamo kaya’t nagsara at tuluyan ng nagtago ang may-ari. Isinunod namin ang tanggapan ng Standard Insurance sa Dasmariñas, Ca vite. Sa umpisa, hindi nag-pakilalang taga-BITAG ang aming mga undercover.
Ang eksena, walang matinong nakikipag-usap sa aking mga tao kasama ang nagre-reklamo. Kung kani-kanino kami ipinasa.
Dahil dito, nagpakilala ng taga-BITAG ang aming mga undercover, saka lamang natauhan ang mga empleyado ng Standard Insurance.
Tuluyan na rin silang kumanta at sinabing nasa main office na pala ang problemang ito.
At ang nakakagulat, nasa storage center na raw ng Standard Insurance main office ang sasakyan ng kanilang kliyente, Disyembre pa raw ng 2010 nang i-pull out ito sa nagsaradong car shop. Hindi dito natapos ang imbestigasyon ng BITAG. Abangan ang ikalawang bahagi ng kahung-hangang ito!