NOONG Lunes (Setyembre 26) ay ginunita ang ikalawang taon ng pananalasa ng bagyong “Ondoy” sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya. Parang pinagtiyap naman ng pagkakataon na noong Lunes din nagparamdam ng bangis ang bagyong “Pedring”. Kahapon, nanalasa nang todo sa Metro Manila at maraming probinsiya si ‘Pedring’ at habang sinusulat ito, anim na ang itinatalang namatay dahil sa bagyo.
Maraming natakot sapagkat inihalintulad si “Pedring” kay “Ondoy” na 300 katao ang namatay nang manalasa noong 2009. Tumaas ang tubig at walang nagawa ang mga tao kundi umakyat sa bubong ng kanilang bahay. Doon sila ni-rescue. Inabot sila ng ilang oras sa bubong at tiniis ang gutom at lamig. Marami ang ayaw nang alalahanin pa ang sinasabi nilang “delubyo”. Marami ang umiiyak kapag naaalala ang pagragasa nang malaking baha sa loob ng kanilang bahay. Sa isang iglap nilamon ang kanilang bahay at natangay ang mga pinaghirapan nang maraming taon.
Isa sa mga grabeng nasalanta ni “Ondoy” ay ang isang subdibisyon sa Marikina. Putik at basura ang hinakot ng baha sa loob ng kanilang bahay. Umano’y maraming trak ng basura at putik ang inalis doon makaraang humupa ang tubig. Isang residente ang nagsabi na pawang plastic bag o shopping bags ang nakuha sa loob ng kanyang bahay. Pati umano ang electric fan niya sa kisame ay may sumabit din na basurang plastic.
Basura ang sinasabing dahilan nang mga pagbaha sa Metro Manila. Bumabara sa mga daanan ng tubig ang mga basura. Kapag wala nang madaa-anan, umaapaw at sa mga bahay na ang tungo. Sa kaunting ulan lang, marami nang kalsada ang lumulubog at hindi madaanan.
Maraming basura ang itinatapon sa mga estero at kanal. Ang Ilog Pasig ang karaniwang hinahantungan ng mga basura. Iluluwa naman ito sa Manila Bay. Sa pagngangalit ng Manila Bay ibinabalik din niya sa mga tao ang tinapong basura. Pabalik-balik lang.
Tiyak na may basura na namang lilinisin sa Baywalk makaraan ang pananalasa ni “Pedring”. Mga basurang galing sa dagat na tinulak ng alon. Sana may natutuhan na sa bahang dinulot ni “Ondoy” at ngayon ay ni “Pedring”. Kailan kaya magkakaroon ng disiplina ang mamamayan sa pagtatapon ng kanilang basura. Kailan wala nang isusuka ang dagat tuwing may pagsama ng panahon.