Mailap na katarungan
ANG abogado ay karaniwang kinokonsulta tungkol sa problema. Pagtugon sa problemang nangyari na o paniguro na ang problema ay maiwasang mangyari. Sa halos lahat ng aspeto ng buhay – sa negosyo, trabaho, buwis, pakikipagrelasyon sa kapwa at sa pamahalaan, krimen – kritikal ang papel ng abogado upang solusyonan o iwasan ang sakit ng ulo.
Sa lahat ng kasong maaring hawakan ng isang attorney, ang pinakamabigat lagi ay iyong mga kaso kung saan ang kliyente’y napatay, nasaktan o naapi. Mara-ming ibang kasong mas malaki ang kikitain – mga estate, corporate or tax cases. Subalit hindi matutumbasan ng kinita mong salapi ang kikitain mong ginhawa kapag may biktima kang natulungan.
Ang doktor ay kinokonsulta para sa kalusugan o kaligtasan ng katawan, ang abogado nama’y nandyan upang ipaglaban ang dangal, kahihiyan at pangalan. Ang pinsala sa katawan ay hihilom subalit ang pakiramdam ng naagrabyado ay patuloy na lalala hanggat hindi ma-bigyang katarungan.
Iba’t ibang uri ng katarungan ang hanap ng isang biktima. Para sa iba’y sapat na ang paghingi ng patawad at pag-amin ng pagkasala ng salarin. Mayroon namang hindi papayag hangga’t walang napaparusahan. Ang iba’y kuntento sa daños. At nariyan din yung kailangang makaganti, kahit labas na sa batas.
Tungkulin ng abogado ang ipaliwanag sa kliyente ang lahat ng posibleng patunguhan ng gagawing paghabol ng katarungan. Walang iisang formula – ang katanggap tanggap sa isa ay maaring isuka naman ng iba. Ang mahalaga ay makapagdesisyon ang kliyente ng matalino at boluntaryo. Kapag ito’y magpadala lang, walang dudang maghahanap ito ng masisisi kapag hindi makamit ang inaasahang remedyo.
Ang paghangad ng katarungan ay isang pagsasapala-ran. Mataas ang antas ng ebidensiyang kailangan lalo na kung kasong kriminal ang isasampa. Proof beyond reasonable doubt. At nariyan pa ang presumption of innocence. Walang hirap ang salarin dahil hindi nito kailangang patunayan na siya’y inosente. Ang biktima ang kaila-ngang magpatunay ng paratang. At dahil dito’y ang mga salarin ay lu-malakas ang loob habang ang mga biktima’y humihina ang loob.
- Latest
- Trending