Magaling pa kay Superman
NAG-ATTEND ako ng public hearing ng Judicial and Bar Council (JBC) kung saan tinalakay ang panukalang amyenda sa patakaran ng pagpili ng mga aplikante sa pagka-huwes. Sinalubong ng masiglang debate ang suhestyon ni JBC ex-oficio member na si Cong. Niel Tupaz, Jr. na i-relax ang mga kwalipikasyon upang hindi mahirapan ang Hudikatura na mapunuan ang dumadaming vacancy ng Huwes.
Sa kasalukuyan, basta’t may pending na kasong kriminal o administratibo, disqualified ka na sa konsiderasyon. At kung sa administrative case ay nahusgahang guilty at may parusa na higit sa P10,000 ay out ka na rin. Dahil dito’y salang sala ang mga nakakalusot sa JBC kahit pa ang resulta nito’y kumukonti ang napapagpilian ng presidente.
Halos unanimous ang legal community sa pagtutol sa anumang pag-relax sa mahigpit na patakaran. Ang posisyon ng Huwes ang siyang pinakamahigpit ang kwalipikasyon sa gobyerno. Mismong sa Saligang Batas nakaukit: “Ang isang kagawad ng hukuman ay kinakailangang nag-aangkin ng subok na kakayahan (proven competence), kalinisang-budhi (integrity), katapatan (probity), at malayang pag-iisip (independence).”
Kung pending case ang pag-uusapan, hindi naman ito maituturing na perpetual disqualification dahil oras na madismiss ang kaso mo ay pwede ka na uling masali. Ang problema ay ang mga nagkaroon ng administrative case, tulad halimbawa ng simple negligence na hindi naman maituturing na kawalan ng katapatan o kalinisang budhi, na habang buhay na pagbabayaran ang pagkakamaling pinagbayaran na.
Mukhang ang hinuhubog na kumpromiso ay ang paglagay ng limit sa itatagal ng iyong diskwalipikasyon. Gaya halimbawa ng 5 year prescriptive period na matapos lang ay mabubura na ang rekord mo at pwede ka na uling mag-apply.
Hindi maiiwasang kontrahin ang anumang pagluwag ng alituntunin sa pagpili ng Huwes. Ang kwalipikasyon ng Huwes ay napapaloob mismo sa Saligang Batas, tanda ng taas ng respeto at ng ekspektasyon ng lipunan sa posisyon. Magaling pa dapat sila kay Superman. Subalit makatwiran din na tanggapin na ang dating nagkamali – lalo na kung hindi naman grabe ang kasalanan – ay maari pang magbago at magdala pa rin ng karangalan sa pangalan at sa serbisyo.
- Latest
- Trending