70 ulit na pagpapatawad
ANG panalangin ni Hesus sa Kanyang Amang nasa langit na itinuro sa atin ang kabuuan ng mga pagbasa ngayong ika-24 na linggo sa karaniwang panahon: “Patawarin mo kami sa aming mga sala katulad ng pagpapatawad namin sa nagkasala sa amin”. Sa aklat ni Sirak sa lumang tipan ay nasasaad: “Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman”.
Huwag tayong magalit sa kapwa at matutong magpatawad. Ayon sa Salmo 102: “Ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob”. Kadalasan nating inaawit sa simbahan ang sulat ni Pablo sa mga taga Roma: “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa tayong lahat ay tinipon ng Diyos na makapiling Siya”.
Tanong ni Pedro: “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na pauli-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” sumagot si Hesus: “ Hindi ko sinasabing makapito, kundi 70 ulit pa nito”. Ipinahayag Niya ang tungkol sa isang hari na ipinatawag ang lahat ng may utang sa kanya. Dinala ang isang may utang na 10,000 dinaryo. Dahil walang maibayad ay iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak at ari-arian upang makabayad. Nagsumamo at nagmakaawa upang bigyan siya ng panahon hanggang makabayad. Naawa ang hari, pinatawad siya.
Subalit pagkaalis ay natagpuan niya ang isang kapwa na may utang din sa kanya ng 500 dinaryo, naglumuhod, nagmakaawa at humingi ng panahon para siya ay ma-kabayad. Ngunit sa halip na maawa ay ipinabilanggo hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang kapwa ay isinumbong sa hari, ipinatawag siya: “napa-kasama mo, pinatawad kita sapagkat nagmakaawa ka
sa akin. Nahabag ako sa iyo. Hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo? Sa galit ng hari ipinabilanggo siya hanggang mabayaran ang kanyang utang.
Tumahimik tayong sandali at sabihin natin sa Panginoon: “Patawarin mo kami sa aming mga utang katulad ng pagpapatawad namin sa nagkakautang sa amin”. Tayo pala ay patatawarin ng Panginoon sa ating mga kasalanan kung tayo rin ay nagpapatawad sa mga nagkasala at atin at higit sa lahat tayo ba ay humihingi rin ng kapatawaran sa ginawaan natin ng masama?
Sirak 27:33, 28:9; Salmo 102; Roma 14:7-9 at Mt 18:21-35
- Latest
- Trending