MARAMING nursing school sa bansa. Hindi lamang sa Metro Manila nagkalat ang mga nursing school kundi pati na rin sa probinsiya. At sa maniwala at sa hindi kahit na walang nakakapasa sa Nursing Board Exam ang mga school na nag-ooffer ng nursing course, patuloy pa rin sila sa pagtanggap ng estudyante. Marami kasing mga estudyante ang gustong mag-nurse. Masyado silang nahihikayat na kapag nakatapos ng nursing ay madaling makakapag-abroad --- sa Unites States, Canada, Saudi Arabia at iba pang bansa sa Middle East. Pero kung magiging mapag-obserba lamang ang mga kumukuha ng nursing sa kasalukuyan, marami sa mga nagtapos ng nursing at pasado sa board ang walang trabaho. At kasama sa mga walang trabaho ang mga nakapasa sa board noong nakaraang Hulyo.
Ang Commission on Higher Education (CHED) na ang nagsabi na isa ang nursing sa “oversubscribed” na kurso. Ibig sabihin, isa sa mga paboritong kunin ng mga nagtatapos sa high school ma-lalaki o ma-babae man. Kahit na mahal ang tuition fees ay pilit na iginagapang ng mga magulang para lamang makapagtapos ng nursing.
Ayon sa CHED, bukod sa nursing, apat na iba pang kurso ang “oversunscribed”. Ito ay ang education, hotel and restaurant management, business administration at information technology. Masyadong maraming kumukuha ng mga nabanggit na kurso at katulad ng nursing baka wala ring mapasukang trabaho ang mga ga-graduate. Marami silang kakumpitensiya. At sa dakong huli, tambay din.
Payo ng Trade Union Congress of the Philippines sa mga magtatapos ng high school na iwasan ang nabanggit na limang kurso at sa halip mag-enroll sa mga kursong may kaugnayan sa science and technology, agriculture, fisheries o kaya massage therapist. Malaki ang pagkakataong magkatrabaho kung ang mga nabanggit ang kukuning kurso.
May katotohanan ang sinabi ng TUCP. Dapat gabayan ng mga magulang ang kanilang anak sa pagpili ng kurso. Meron kasi na gaya-gaya lang. Dapat pag-aralan o pag-isipan muna kung tama ba ang kukunin. Iwasan muna ang limang kursong nabanggit, particular ang nursing. Ipasara naman ng CHED ang mga nursing school na wala kahit isang board passers. Walang mahihita sa mga nursing school na hindi makapag-produce ng nurse.