GABAY sa buhay itong artikulo ni Michael Josephson, tanyag na ethicist sa America at founder-president ng Josephson Institute. Pinamagatang “Mahalaga ang Pagkatao,” isinalin ito sa Filipino:
“Handa ka o hindi, lilipas din lahat. Wala nang bukang-liwayway, walang minuto, oras o araw. Lahat ng itinabi, nilasap man o nilimot, ay mapapasaiba. Mangunguluntoy ang yaman, tanyag at kapangyarihan. Wala nang saysay ang inari o inutang. Maglalaho ang mga sama ng loob, ngitngit at selos. Papanaw rin ang mga pangarap, plano at listahan ng gagawin. Hindi ililista ang naging tagumpay at kabiguan, kung matalino at maganda. Pati kasarian at kulay ng balat ay mawawalan ng bigat.
“Ano ang matitirang mahalaga? Paano susukatin ang iyong mga araw? Hindi ito kung ano ang iyong nakuha kundi ibinigay, hindi ang iyong natutunan kundi ang itinuro. Pahahalagahan ang bawat ginawa mong matuwid, pagkaawa, tapang at pagsikap —na nagpatatag at nagbunsod sa iba na tularan ka. Maaalala hindi ang iyong galing kundi pagkatao. Hindi ang dami ng nakilala mo kundi ng iniwanan mo ng wastong aral. Mahalaga ang kung gaano katagal kang maaalala, nino, at dahil sa ano.
“Hindi tsambahan ang mamuhay nang matuwid. Hindi ito nakabatay sa katayuan sa lipunan. Pinipili ito. Kaya tiyaking mamuhay nang mabuti para sa kapwa.”
Tama ang mga sinabi ni Josephson. Nakakaantig ng damdamin, nakakapagpalakas ng loob, nakakapag-udyok na tayo’y magbago. Pero sa totoo lang, ang hirap gawin. Masyado tayong lulong sa mga walang kapararakan, sa materyal, at sa pangkasalukuyan. Nakakalimutan natin na lahat ito’y lilipas sa huli.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). Bagong e-mail: jariusbondoc@gmail.com