Salamat sa DXUP Radio sa Maguindanao

NAKAKATUWA dahil may mga dagdag na biyaya ang pagsusulat ko dito sa Pilipino Star NGAYON. Nagugulat na lang ako dahil nababasa ko ang aking mga tips sa iba’t ibang websites, pinapadala sa e-mail, at nababanggit din sa mga radio programs at TV stations.

Isa sa nakikilala ko ay ang mabait na manunulat mula sa Maguindanao, si Mr. Alih Anso, at ang host, si Ms. Nancy Lawan, ng DXUP FM 105.5.

Nabasa ni Mr. Anso ang mga artikulo ko rito sa PSN at ginagawa niyang script para sa kanilang programa sa radio. Tulad ng tips para humaba ang buhay, paano manunumbalik ang iyong sex life, at marami pang iba. Natutuwa ako dahil taos puso ang kanilang pasasalamat sa mga payo na nailalathala ko sa PSN. Salamat Sir Alih at Ms. Nancy.

May ikukuwento po ako. Kamakailan, naglabas ako ng mga tips tungkol sa pag-alaga sa bato (kidneys) sa aking kolum sa Philippine STAR. Pagkaraan ng ilang araw ay narinig ko sa isang radio station ang isang eksperto na nagbibigay ng tips tungkol sa kidneys.

Nagulat ako nang marinig kong parehung-pareho sa mga tips ko ang tinatalakay sa kanyang programa. Natuwa naman ako.

Heto ulit ang mga payo para sa kidneys na isinulat ko sa Philippine STAR:

Bawasan ang asin sa pagkain.

Limitahan ang protina sa pagkain.

Gamutin ang high blood pressure.

Gamutin ang diabetes.

Uminom ng sapat na tubig sa isang araw.

Para sa mga taong magpapa-CT Scan o MRI with contrast dye (‘yung gumagamit ng dye na ipinadadaan sa ugat), kailangan nating pangalagaan ang inyong kidneys.

Uminom muna ng 1 o 2 basong tubig 1 oras bago magpa-CT Scan o MRI.

Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C. Ayon kay kidney expert Dra. Elizabeth Montemayor, hanggang 500 mg lang ng Vitamin C ang kanyang mare-rekomenda.

Ayon kay Dr. Monte­mayor, wala pang basehan ang paggamit ng supplements para sa kidneys.

Ikunsulta muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot.

Show comments