'Ever Supermarket, sagutin n'yo 'to!'
PUMAPALAG ang mga empleyado ng Ever Supermarket hinggil sa di-makatarungang pagbawas ng iba’t ibang charges sa suweldo ng merchandisers.
Reklamo ng mga empleyado, buwan-buwan umano silang binabawasan ng mahigit P400 dahil marami raw ang losses sa mga produkto sa supermarket.
Mga shoplifter daw ang itinuturong dahilan ng pamunuan ng Ever Supermarket kung bakit sa imbentaryo nila, maraming nananakaw na produkto.
Alam naman pala ng Ever Supermarket na shoplifter ang nasa likod ng malaking halaga ng losses sa kanilang establisimento pero kanilang empleyado ang pinaparusahan ng kompanya.
Bakit merchandisers ang pinagbabayad? Anong ginagawa ng mga security na binabayaran ng Ever para i-secure ang buong establisimento?
Bukod dito, mayroon pang P300 fine kapag umabsent ang mga pobreng empleyado.
Paano na lang kapag nagkasakit ang empleyado? O di kaya’y nagka-emergency sa kanilang pamilya? Sobra-sobra naman yata ito.
Ayon sa mga nagrereklamong empleyado ng Ever Supermarket, sapilitan daw at may halong pananakot ang charges na ibinabayad nila.
Pagbabanta sa kanila na kapag hindi sila nagbayad, bago matapos ang Agosto ay wala na silang trabaho.
Nakausap ng BITAG si Department of Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldos hinggil sa isyung ito.
Sa bibig mismo ni Sec. Baldos, BAWAL ang pinaggagagawa ng Ever Supermarket sa kanilang mga empleyado na sa kanila pabayaran ang mga losses ng kompanya.
Makailang beses nang tinawagan ng BITAG ang pa munuan ng Ever Supermarket para sagutin ang problemang ito. Ang siste, hindi ito nakikipag-usap ng maayos.
Bagkus, nakikipagmatigasan pa ito. Ang kanilang personnel manager na sana’y kausap namin sa BITAG Live, ilang beses nawala sa telepono, Tila nabahag na ang buntot nito.
Ano ba ang ikinakata-kot niyo sa BITAG? Dapat nga’y samantalahin n’yo ang pagkakataon dahil kapag kayo’y naging subject namin, binibigyan namin kayo ng oprtunidad na magpaliwanag.
Sa pamunuan ng Ever Supermarket, sagutin niyo ‘to! Huwag kayong manahimik at magbingi-bingihan dahil kayo ang inire-reklamo sa sumbong na ito!
- Latest
- Trending