NANG manalasa ang bagyong “Milenyo” sa Metro Manila noong Setyembre 29, 2006, hindi lamang ang mga punongkahoy at mga billboards ang kanyang sinira at ikinalat sa kalye, pati ang mga basura sa Manila Bay ay kanyang iniahon at itinambak sa Roxas Boulevard. Umano’y mahigit 20 dumptruck ng basura ang nakuha sa Roxas Blvd. at nagdulot ng grabeng trapik sa nasabing lugar. Ilang lane ang inokupa ng mga basura. Pawang mga plastic na bagay at iba pang hindi nabubulok ang iniluwa ng Manila Bay. Kung ano ang itinapon sa dagat iyon din ang ibinalik.
Noong nakaraang linggo, marami na namang nakuhang basura sa Manila Bay. Limang trak ng basura ang nakuha ng mga empleado ng Bureau of Immigration sa kanilang cleanup activity bilang bahagi ng pagdiriwang ng 71st anniversary sa susunod na buwan. Nagtutulung-tulong ang mga empleado ng Immigration sa pagpulot ng mga basurang inanod sa tabing dagat at malaking bagay ang kanilang nagawa sapagkat kahit paano ay nabawasan ang basura sa kawawang Manila Bay. Kahit paano ay nakahinga ang Manila Bay na nagsisilbing malaking basurahan ng mga taga-Metro Manila.
Ang Manila Bay ang sumasalo sa mga basurang itinapon sa mga ilog, creek at sapa. Ang Ilog Pasig ay isa sa mga nagluluwa nang maraming basura sa Manila Bay. Ang Manila Bay ang tanging hantungan ng mga itinapong basura at pinadudumi ito. Hindi na nagiging kaakit-akit ang Manila Bay na kilala sa may pinakamagandang tanawin ng lumulubog na araw. Makita man ang lumulubog na araw, kasabay ding makikita ang mga naglulutangang basura na inaanod sa dagat. Habang pinanonood ang paglubog ng araw, maaamoy naman ang polluted na dagat.
Kung nagawa ng mga taga-Immigration na mamulot ng mga basura, maaari rin itong gawin ng iba pang tanggapan ng pamahalaan. Kung ang mga tanggapan ng pamahalaan ay makakakolekta ng limang trak ng basura, malaking tulong na ito para mabawasan ang dumi sa kawawang Manila Bay. Paigtingin naman ng MMDA ang paghihigpit sa pagtatapon ng basura, lalo na ang mga nakatira sa pampang ng ilog at mga creek.