NAHULI na ang mag-asawang gumagawa ng mga “crush videos” kung saan pinahihirapan nila sa pamamagitan ng pag-apak o kaya’y dinadaganan hanggang sa mamatay ang ilang maliliit na hayop katulad ng mga kuneho, tuta at kuting. Pinuputulan ng taynga ang mga kuneho at sinisindihan pa! May mga tuta naman na tinutusok ang mga mata ng high-heel na sapatos! Ina-upload nila ang mga video kapalit ng pera sa mga website na ganito ang tema, na pinanonood naman ng mga may sayad sa ulo!
Isa na namang halimbawa kung paano nagagamit ang internet para pasiyahin ang mga may sayad sa ulo, na hindi nila karaniwang mahahanap sa lansangan. Ang masama pa, naaakit ng mag-asawa ang mga bata para gawin ang walang-awang pagpatay sa mga hayop. Noong wala pang internet, ang may mga ganitong klaseng hilig ay kung saan-saan pa sa mundo pumupunta para makaraos sa kanilang hilig. Pero dahil sa internet, magagawa na ang lahat sa bahay na lang.
Mabuti na lang at nahuli ang mag-asawa. Pero nakapag-piyansa na kaya nasa labas na. Dapat bantayan nang husto para hindi makalabas ng bansa at makatakas. Dito kadalasan mahina ang mga otoridad. Mahuhuli nga pero makakatakas dahil nakapagpiyansa. Dapat maparusahan ang mga nasa likod ng kawalanghiyaang ito.
Isa rin itong pamamaraan ng human trafficking, na mismo si President Aquino ay kabalikat sa pagkontra nito. Sa buong mundo, ang pagbebenta ng tao ay malaking industriya at salot. Maraming buhay ang nasisira, kung saan ang mga nakikinabang lang ay ang mga nangangapital. Sila ang dapat makulong at hindi ang mga bata na ginagamit nila. Sila ang dapat yapakan hanggang sumuka, tulad ng ginagawa nila sa mga hayop!