Editoryal - Nakakatakot

TALAMAK na ang pang-aagaw ng sasakyan sa kasalukuyan at wala na talagang kinatatakutan ang mga carjacker. Kahit na malapit pa sa presinto ng pulis ang lugar, tatangayin pa rin ang target nilang sasakyan at kapag pumalag ang may-ari, BANG!

Ganyan ang nangyari sa isa namang carjac-king incident noong Biyernes ng umaga sa Barangay Tandang Sora, Quezon City. Pumalag ang drayber na si Marlon Quiocho, 33, nang hinihingi ang susi ng kanyang Mitsubishi Montero. Binaril siya ng mga suspct ng tatlong beses sa ulo. Bumagsak si Quiocho. Mabilis na tumakas ang mga suspect, sakay ng ninakaw na Montero.

Ayon sa report galing si Quiocho sa NAIA. Inihatid nito ang kanyag amo na isang judge. Ipinarada umano ni Quiocho ang sasakyan sa harap ng bahay. Pababa na siya sa sasakyan ng biglang lumapit ang tatlong kalalakihan na armado ng kalibre .45 baril. Hiningi ng mga lalaki ang susi ng Montero kay Quiocho pero tumanggi ang drayber, sa puntong iyon siya binaril. Hindi na nadala umano sa ospital ang drayber sapagkat patay na ito.

Nakakatakot na ang mga nangyayari sa pali-gid. Walang anumang lalapitan ang may-ari ng sasakyan at BANG. Bago pa makarating ang mga alaga ng batas, ay wala na amg mga kriminal. Nasaan na ang ibinabando ng PNP na “police visi­bility. Walang makitang pulis. Walang pulis na maaaring hingian ng tulong sa oras ng kagipitan.

Sunud-sunod ang carjacking incident sa QC at tila walang ginagawang solusyon ang QCPD para mahinto ang pang-aagaw ng sasakyan. Noong Hunyo, dalawang babae ang magkasunod na pinatay makaraang tambangan ng mga armadomng lalaki. Inagaw ang sasakyan ng isa sa babae at saka binaril at sinagasaan pa. Hanggang ngayon blanko pa ang pulisya sa mga kasong iyon.

Hanggang ngayon patuloy ang pagtaas ng krimen. Nakakatakot na talaga ang mga nangya­yari sa kapaligiran na tila wala nang pag-asang makontrol ng pulisya. Saan pa nga ba pupunta ang tao para ligtas na mabuhay?

Show comments