Ano ang motibo ng Marine Colonel na nanawagan sa mga kabaro na mag-aklas laban sa administrasyon? At bakit ginawa niya ito pagkatapos ng kanyang kaarawan na araw ng kanyang pagreretiro?
Sabi nga ni Executive Secretary Paquito Ochoa, kailanman ay hindi makakukuha ng suporta ng taumbayan ang anumang panawagan ng pag-aaklas laban sa admi-nistrasyon. Kasi, walang batayan at dahilan ang ganyang mga panawagan para mag-aklas.
Kaya ang tanong, ano ang nag-udyok kay retired Navy Colonel Generoso Mariano na manawagan ng kudeta? Hindi kaya naging inspirasyon niya si Trillanes na matapos makulong dahil sa pag-aaklas laban kay Presidente Arroyo noon ay naging Senador ngayon? Baka gusto ring mag-senador.
Ani Ochoa, hindi naalarma ang Palasyo, lalo na si P-Noy na nakaranas ng madudugong kudeta sa ilalim ng panunungkulan ng kanyang namayapang ina na si Tita Cory.
Posible nga kayang ang oposisyon lang ang nagpakulo ng video footage ni Mariano na kasalukuyang nakadetine ha-bang nakabimbin ang imbestigasyon sa kanyang instigasyon?
Kakatwa rin na nangyari ito matapos mamahagi ng titulo ng bahay at lupa ang Pangulo sa may 4 na libong pulis at sundalo. Wala sa timing ang kudeta.
Sinampolan ni P-Noy ang pagpapatupad sa pangako niyang abot-kayang pabahay sa mga miyembro ng pulisya at militar.
Mantakin n’yo naman ang ginhawa dahil ang mga pulis at sundalo ay magbabayad lang ng buwanang hulog na P200 sa unang limang taon at magiging P1,307 naman sa huling limang taon ng pagbabayad.
Kaya sino ang matinong kawal na kakampi sa kudeta?