NAGING sentro ng imbestigasyon sa Senado ang pamimigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office ng ambulansya sa mga pulitiko sa bansa. Naungkat ang naging gawain noon na nakatanggap ng mas maraming ambulansya ang mga kaalyado ni dating President Gloria Arroyo.
Ito ay sabay na rin sa nabunyag na paghingi at pamimigay ng PCSO ng SUV ng mga obispo ng Simbahang Katoliko.
Sana palawigin ng Senado ang pagsusuri nito sa usaping ambulansya. Hindi na masyadong mahalaga kung sino ang nakatanggap at sino ang hindi nakatanggap ng ambulansya dahil talagang kailangan ang mga sasakyang ito higit na ng ating mga kababayan na may sakit at nahihikahos sa hirap na wala ngang pambili ng gamot.
Higit sa lahat ay dapat na ring pagtuunan ng pansin ng Senado at magkaroon ng imbentaryo ng mga nasabing mga ambulansya kung nagagamit nga ba ang mga ito ng tama.
Lantaran ang ibang mga local officials natin na ginagamit ang ambulansya sa paghatid-sundo ng kanilang mga anak sa eskuwela.
Naroon din ang ibang mga pulitiko na ginagamit ang ambulansya sa family outing at kadalasan din sa biyahe galing sa kanilang mga probinsiya patungong mga lungsod gaya ng Davao City. Kadalasan makikita ang mga ambulansya na ito sa parking space ng mga malls.
At ang masaklap ay hindi nagagamit ng mga mamamayan ng kanilang mga lugar ang mga ambulansya kung kailan talaga ito kailangan dahil wala raw pang-gasolina.
At mas matindi pa kung ang pag-usapan ay nang gamitin ng isang mayor ng Maguindanao ang isang ambulansya sa pag-transport ng illegal na droga papasok ng Davao City. Nasabat noon ang nasabing ambulansya ng mga otoridad dito sa Davao City at natimbog nga ang nasabing delivery ng shabu. Isip ng mga gung-gung na ‘yon na hindi sisitahin ng mga pulisya ang ambulansya dahil nga public vehicle na para sa may sakit. Eh, ibang sakit pala ang dala-dala nito – shabu.
Ngunit kami dito sa Davao City ay taas-noo naming ipinagmamalaki ang aming higit dalawang dosenang ambulansya na nasa pangasiwa ng aming Central 911 Emergency Response Center.
Tanging Davao City lang ang lugar sa Pilipinas na may 911 emergency response center na backed up ng mga ambulansya at ng iba’t ibang mga units na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan maging mapa-medical, sunog, krimen, baha o anumang disaster.
Ang aming mga ambulansya sa Central 911 ay lahat equipped ng mga kompletong gamit at may nakalaan talagang medical team sa bawat ambulansya. Ang mga medical teams ng Central 911 ay dumaan sa training kung paano ang tamang pag-handle ng pasyente hanggang madala nila sa ospital.
Isang tawag lang sa Central 911 dito sa Davao City at nandiyan agad ang ambulansya sa loob ng ilang minuto lang. At higit sa lahat, libre ang paggamit dito ng aming ambulansya na hindi gaya sa ibang lugar lalo na sa Metro Manila na binabayaran ang bawat biyahe ng ambulansya.
Sana ang ating mga local officials ay mag-isip din na balang araw pag sila mismo ang mangangailangan ng ambulansya ay hindi nila ito magagamit dahil andun sa beach o di kaya’y sa mga malls o sinusundo pa ang mga estudyante. At huli na ang lahat.