NGAYONG ika-15 linggo sa karaniwang panahon ay inihalintulad ng Panginoon sa Kanyang Salita ang pag patak ng ulan at pagdaloy ng niyebe sa lupa na nagi-ging pandilig na nagpapalaganap sa atin. Tutubo ang Salita ng Diyos at mamumunga ng masagana sa ating puso at isipan. “Nagbunga nang masagana binhi sa mabuting lupa”.
Ang Salita ng Diyos ay katulad sa mga binhing inihasik ng isang magsasaka. May binhing nalaglag sa tabi ng daan at tinuka ng ibon. May nalaglag sa batuhan sumibol kaagad sa manipis na lupa at natuyo sa init ng araw. Meron ding nalaglag sa dawagan at sinakal ang tumutubong uhay. At may binhing nalaglag sa mabuting lupa, nag-uhay at nagbunga nang maraming butil.
Ang talinghaga sa binhi ay nagbibigay sa atin ng maraming kahulugan sa ating buhay. Ang Diyos ay naghahasik sa atin ng binhi ng pag-asa, pagkakataon at ligaya. Ito ang mga biyaya ng Diyos na di natin akalain na magaganap sa ating buhay. Para bang sinasabi natin: “Ang swerte ko naman”. Hindi po ito swerte. Ito ang plano ng Diyos sa atin, kaya huwag natin itong pababayaan.
Ikalawa, ito’y binhi ng Salita ng Diyos na nagpapaalaala sa atin ng Kanyang liwanag. Basahin natin tuwina ang Kanyang Salita na magbibigay sa atin ng pawang turo at aral sa ating buhay. Ito ang nagbibigay sa atin ng liwanag ng Espiritu Santo. Ang ika-tatlong binhi ay nakatanim sa ating isipan upang palagi tayong makipag-ugnayan sa Panginoon. Kausapin natin Siya tuwina upang Siya ay ating purihin, pasalamatan at humingi ng kapatawaran. Sa pamamagitan nito ay mapapakinggan natin ang Kanyang Salita na magtuturo sa atin ng lahat ng Kanyang plano sa ating buhay.
Ang panalangin ay isang paraan upang makipag-niig tayo sa Kanya sa bawa’t sandali ng ating buhay. Every moment, every minute and everywhere is the time of our conversation with God.
Isaac 55:10-11; Salmo 64; Rom 8:18-23 at Mt 3:1-23