Ang diborsyadang nars
ITO’Y kaso ni Estela, isang nars. Boyfriend niya si Edgar, isang car dealer. Limang taon na silang magsiyota.
Ramdam ang paghihirap sa Pilipinas, nagdesisyon si Estela na subukan ang suwerte niya sa ibang bansa. Gusto niyang pumunta sa California. Ayaw pumayag ni Edgar pero naging matatag si Estela sa kanyang desisyon. Sinabihan kasi siya na madali siyang makakakuha ng magandang trabaho sa California kung kukuha at papasa siya sa state board exam doon para sa mga nars.
Noong 1987, nagtungo sa California si Estela. Kumuha agad siya ng state board exam, pero hindi pumasa. Hindi agad sumuko si Estela. Naisip niya na mara-ming umaasa sa kanya kaya hindi siya puwedeng basta umuwi na lamang.
Habang nasa California, nakilala ni Estela si Bob, isang amerikano na naging matalik niyang kaibigan. Gusto siyang tulungan ni Bob at pumayag ito na pa-kasalan siya kahit sa papel lang. Nagkasundo ang dalawa na magpa-kasal at pagkatapos ng dalawang taon o kahit mas maaga pa ay magdiborsiyo na, basta’t makakuha muna si Estela ng American citizenship. Usapan nila na pupunta sa Reno, Nevada at doon kukuha ng diborsyo. Noong 1989, tulad ng napag-usapan, pagkatapos makakuha ng American citizenship si Estela ay pumunta sila ni Bob sa Reno, nagpetisyon at nakakuha ng diborsyo.
Puwede pa bang pakasalan ni Estela si Edgar sa pagbalik niya sa Pilipinas? Tatanggapin ba rito ang diborsyong nakuha niya sa ibang bansa?
OO. Ang diborsyo na nakuha nina Estela at Bob sa ibang bansa, ipagpalagay na talagang inilabas nga ito ng korte ng Reno ay kikilalanin dito sa Pilipinas. Isang mahala-gang punto na dapat tandaan ay naging Amerikana o nagkaroon ng American citizenship si Estela nang pakasalan siya ni Bob. Dahil dito at base sa batas natin (nationality principle – Civil Code), may kapasidad na si Estela upang muling magpakasal at ang batas ng Amerika ang susundin sa kaso niya. Ito ang desisyon sa kasong Pilapil v. Ibay-Somera, 174 SCRA 653. Dahil kinikilala sa Amerika ang diborsyo bilang isa sa mga paraan upang maputol ang tali ng kasal na nagbibigkis sa mag-asawa, ang diborsyo at ang legal na epekto nito ay tinatanggap sa Pilipinas. Ang isa sa mga epekto ng diborsyo ay ang pagkakaroon ng karapatan na muling magpakasal sa iba. Kaya sa panig ni Estela, walang hadlang para sa gusto niyang pagpapakasal dito sa Pilipinas sa kanyang kababata.
- Latest
- Trending



















