Suporta ng gobyerno at mamamayan
NAGAWA ng Philippine Azkals ang hindi pa nagagawa ng isang football team sa kasaysayan ng bansa – makapasok sa pangalawang round ng FIFA World Cup qualifiers! Tinalo ng Azkals ang Sri Lanka 4-0. Sa mga hindi pa nakaaalam, ang football ang may pinaka-malaking pagtangkilik sa buong mundo. Mas malaki pa sa basketball. Kaya malaking bagay ang World Cup dahil sa napakaraming bansa na mahilig sa football. Kung sa tingin ninyo ay malaki na ang pera sa basketball, mas matindi ang pera sa football. Dahil sa napakaraming propesyonal na liga at team, napakayaman ng larong ito.
Pero kapag World Cup na ang pinag-uusapan, hindi na pera ang mahalaga. Ang matawag na kampeon na lamang ang mahalaga. Ang Germany, England, Argentina, France at Spain ang madalas nagpupukpukan para sa World Cup.
Ang ating football team Azkals ay sumikat nang talunin ang Vietnam na kilalang malakas sa rehiyon. Magmula nun, naging usap-usapan na ang Azkals dahil sa sunod-sunod nilang panalo. Sumikat nang husto ang mga manlalaro, lalo ang magkapatid na Younghusband. Malakas na ang suporta at interes ngayon sa football, dahil sa tagumpay ng Azkals.
Sunod na kalaban ang Kuwait. Kung matatalo ng Azkals ang kanilang mga kalaban, kasaysayan na naman ang maitatala para sa bansa. Hindi ko sasabihin na siguradong makakaabot sa World Cup ang Azkals, dahil lang sa tindi ng mga team na nakakapasok doon. Hindi siguro ngayon. Pero hindi malayo na makapasok ang isa pang bansa mula sa Asya sa World Cup sa mga darating na panahon. Kung kaya ng Japan at South Korea, bakit hindi ang Pilipinas? Ang mahalaga, may suporta na ang Azkals.
Yan lang naman ang kinakailangan para maging matagumpay, suporta ng gobyerno at mamamayan. Ang suporta na iyan ang magdadala sa Azkals. May mga sports pa diyan na ang kailangan lang ay suporta ng gobyerno at mamamayan. Hindi na kailangan ng basketball at boksing dahil sa tagumpay at kasikatan ng dalawang sport na iyan sa Pilipinas. Mga katulad ng Dragon Boat rowing, volleyball, martial arts at shooting ang ilang halimbawa. Lalo na ang shooting sa ilalim ng administrasyong ito, kung saan si President Aquino mismo ay mahilig. Suportahan, para bukod sa pagpasok sa World Cup ay makuha na rin ang madulas na gintong medalya sa Olympics!
- Latest
- Trending