MARAMI sa mga biktima ng panloloko, kung kailan masyadong malaki na ang damage saka lamang lalapit at magsusumbong sa otoridad.
Ang masakit pa nito, hindi dahil gusto nilang matuldukan ang ginagawa ng mga suwetek na kanilang katran-saksiyon, kundi para mabawi ang perang nailabas na nila dahil lang sa panloloko ng iba.
Nakakaawa na nakakainis ang pakiramdam kapag narinig mo ng magsalita ang ibang biktima na sinasabing na-“hipnotismo” daw sila kung kaya’t nakapaglabas sila ng malaking halaga na hinihingi ng mga suspek.
Sa BITAG, diretsahan naming sinasabi sa sinumang lumalapit sa amin na kalokohan ang hipnotismo. Baluktot ang katuwirang ito.
Katulad ng mga sinasabi ng mga otoridad, napapayag ang biktima na gawin ang ipinagagawa ng mga suspek dahil pabor sa kanila ang alok ng kanilang ka-transaksiyon.
Ang katotohanan kasi, makikinabang, kikita, may mapapala o may benepisyong inaasahan ang isang biktima kapag kumagat siya sa patibong ng mga manloloko.
Hindi na bago sa BITAG ang ganitong mga kuwento ng modus at panloloko. Kadalasan sa aming imbestigasyon, lumalabas na willing victim pa ang mga nagsusumbong.
Alam na kasi nilang mali ang pamamaraan na inaalok ng mga suspek kung paano sila kikita, dodoble o makukuha ang pera, pumapatol pa sila sa alok na ito.
Babala ng BITAG, ‘wag magpapaniwala sa mga alok at matatamis na pangako na biglaang kita ng pera.
Huwag na huwag maki-pag transaksiyon sa mga estranghero at hindi niyo kakilala kahit na pakilala pa ito ng inyong mga kaibigan o kamag-anak.
Kapag alam mo na ang mga estilo na ikaw ay niloloko, subalit tuloy pa rin ang pakiki-pagtransaksiyon mo sa manggagantso, katangahan ng matatawag ito.
Kaya mag-ingat, mag-ingat, mag-ingat!