Yosi Kadiri
UMIINIT ang pagtatalo ng DOH at ng mga higanteng kompanya ng tobacco tungkol sa direktiba sa paglagay ng graphic o pictorial health warnings sa mga packaging ng tobacco products sa bansa. Ang argumento ng mga tobacco companies ay tanging ang paglagay ng written o “text” warnings ang nakasaad sa batas kaya walang karapatang ipilit ng DOH ang graphic warnings sa pamamagitan ng administrative order lamang. May kontra naman dito ang gobyerno – ayon daw sa tratado ng Pilipinas sa World Health Organization, ang Framework Convention on Tobacco Control (WHO-FCTC), ang mga pamahalaan may kapangyarihang magpatupad ng kaukulang kilos upang kontrolin ang pagbenta ng sigarilyo.
Para wala nang kontrobersya, heto ang mga panukalang batas nina Senator Pia Cayetano at Cong Ted Haresco na ginagawang compulsory ang paglagay ng graphic warnings sa packaging ng sigarilyo.
Dumadami na ang mga bansa kung saan required ang maglagay ng litrato sa packaging. Sa Brazil, sa Singapore – mga picture ng sakit na dulot ng paninigarilyo ang makikita sa mga kaha. At may pruweba na, na mula nang umpisahan ito, malaki nang ibinaba ng bilang ng Singapore at Brazilian smokers. Nakakita na rin ako ng mga sigarilyong binili sa Singapore – sobrang nakakadiri ang mga litrato sa packaging na mawawalan ka ng ganang kumain. Kamakailan lang ay maging ang Amerika na tahanan ng mga tobacco companies ay napabilang na rin sa mga bansa na obligado ang graphic warnings.
Napatunayan nang lason ang sigarilyo. Sa kabila nito’y patuloy ang pagbenta nito sa Pilipinas. Sa mga may malasakit sa ating mga kabataan na patuloy na nalululong sa suicidal na bisyong ito, halina’t suportahan ang Cayetano and Haresco Bills upang makatulong tayo na bawasan ang bilang ng biktima ng tabako sa Pilipinas.
- Latest
- Trending