Dagok sa press freedom
Hindi ko alam kung ano ngayon ang plano ng inulilang pamilya ng komentarista at environmentalist na si Gerry Ortega ng Palawan. Sigaw ng mga nakikisimpatya sa pamilya Ortega: “Malaking dagok sa kalayaan sa pamamahayag” ang pagkaka-absuwelto ng Department of Justice (DOJ) kay dating Palawan Governor Joel Reyes at iba pang suspect sa pamamaslang kay Ortega noong Enero 24.
Hindi tayo humahatol nang “guilty” kay Reyes. Pero dapat man lang ay isinampa sa hukuman ang kaso at bayaan ang korteng gumawa ng paghahatol matapos ang masusing pagdinig at paglilitis. Hindi yung sa prosecution level pa lang ay dinismis na antimano. Napakinggan ko habang kinakapanayam sa radyo ang inulilang asawa ni Gerry. Ang asawang si Patty at anak na si Micah. Si DOJ Chief Leila de Lima ay nag-inhibit umano sa kaso dahil nag-abogada yata siya kay Reyes noong araw. Sabagay kung totoo ito, tama si de Lima.
Pero ayon kay Mrs. Ortega, hinihimok niya si de Lima na huwag nang mag-inhibit dahil may tiwala siya sa integridad nito. Na kahit minsan itong nagkaroon ng professional relations sa isinasakdal ay mangingibabaw sa kanya ang integridad alang-alang sa hustisya.
Isang crusading media man ang biktima kaya natural lang na maki-simpatiya ang buong larangan ng pamamahayag lalu pa’t may klaro umanong mga ebidensya na puwedeng mag-establish ng probable cause laban sa dating gobernador. Nagtataka ang maraming nasa panig ng mga Ortega kung bakit tila hindi pinahalagahan ang mga ebidensyang ito ng DOJ. Sa magkasanib na pahayag ng Alyansa ng Mamamahayag sa Palawan Inc. (APAMAI) at National Union of Journalists (Palawan chapter), ganito ang kanilang dekla- rasyon:
“THE recent decision of the Department of Justice rejecting the filing of criminal charges against former Palawan governor Joel T. Reyes and several others for the January 24 murder of Dr. Gerry Ortega is a stunning blow to press freedom in this country. The three-man prosecutors’ panel demonstrated a patent bias for the accused, completely discarding the evidence that establishes probable cause to let the proper courts try this case.”
Maaari pang umapela ang pamilya ni Ortega para mabuksan ang kaso. At sana’y maging patas ang DOJ at walang kinikilingan kung sakaling buksan man uli ang kaso. Kung ang isang media practitioner na maski papaano’y may impluwensya ay puwedeng mabiktima ng kawalang-katarungan, paano pa ang mga karaniwang mamamayan?
- Latest
- Trending