'May arthritis ba ang anak kong 5-taong gulang?'
Good day po Dr. Elicaño. Ibig ko lang pong ikunsulta ang nararamdaman ng anak kong lalaki, 5-taong gulang. Lagi pong namamaga ang kanyang mga daliri sa kamay at kumakalat hanggang siko. Masakit daw po kapag nahihipo. Pero pagkalipas naman ng isa o dalawang araw ay nawawala na ang pammamaga at pananakit. Napapansin ko na sumasakit o pamamaga ang kanyang mga daliri kapag malamig ang panahon. Posible kayang may arthritis ang anak ko? Pero di po ba ang arthritis ay sa mga edad 50 pataas lamang tumatama. Sana po ay mabigyang liwanag ako sa nararanasan ng anak ko. Salamat po. — Analyn Pasco, Earnshaw St. Sampaloc, Manila
Sa mga sinabi mong sintomas, maaaring ang anak mo ay may tinatawag na juvenile rheumatoid arthritis o Still’s disease. Pero mas maganda kung patitingnan mo siya sa doctor para lubusang malaman ang kanyang nararamdaman. Huwag ipagpabukas ang pagpapa-check-up ng anak.
Kadalasang ang mga nagkakaroon ng juvenile rheumatoid arthritis ay mga batang may edad dalawa hanggang limang taong gulang. Apektado nito ang mga kasu-kasuan. Hindi maipaliwanag kung ano ang dahilan at nagkakaroon ng sakit na ito.
Ang mga sintomas ay maaaring makita nang dahan-dahan at maaari rin namang biglaan. Magkakaroon ng pananakit at pamamaga ang kasu-kasuan sa daliri at kakalat ito sa pulso, siko, tuhod at alak-alakan.
Makararanas ng lagnat, pagkakaroon ng skin rash, pamamaga ng mga mata, pagdami ng white blood cells, paglaki ng spleen at iba pang glandula. Maaaring makaranas din ng stiff neck.
Sa may ganitong sakit ang pamamahinga ay kinakailangan. Paraan ng paggamot dito ang pag-take ng aspirin at iba pang non-steroidal anti-inflammatory agents.
- Latest
- Trending