3,000 Eskuwela colorum?
WOW naman, grabe ito. Ayon sa Department of Education and Culture – 25 porsyento o 3,000 mga pribadong paaralan sa bansa ay walang akreditasyon ng DepEd. Colorum sa madaling salita. Ayon sa DepEd, may superbisyon din ang ahensya kahit sa mga private schools.
Ito ang lumilitaw sa ulat ng ating reporter na si Mer Layson na nagsasabing batay sa record ng DepEd, nabatid na sa kabuuang bilang ng private schools sa bansa ay 75 porsiyento lamang ang may permiso ang operasyon.
Tanong ko lang, bakit ngayong nagbukas na ang pasukan ay saka pa lang lumitaw ang balitang ito? Paano na yung mga walang kamalay-malay na in-enrol pala nila ang kanilang mga anak sa mga eskuelahang walang permiso ng DepEd?
Batay sa datos na nakalap ng PS NGAYON mula sa tanggapan ni Kenneth Tirado, hepe ng Communication and Information Division ng DepEd, lumilitaw na ang mga rehistradong private elementary schools sa kanila ay nasa 7,084 habang nasa 4,707 naman ang registered private high schools.
Ipinag-utos na raw ni Education Secretary Armin Luistro sa pamamagitan ng DepEd Order No. 38 series of 2011 na sa mga may-ari ng paaralan na kumuha ng kanilang permit sa kagawaran.
Taun-taon ay may ganitong problema. Bakit nakalulusot mag-operate ang mga paaralan nang wala pang permiso ng DepEd? Simula na ng pasukan ngayon sa mga pampublikong paaralan samantalang ang sa mga pribado naman ay sa Hunyo 13 pa.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga magulang na beripikahin muna kung may permit, recognition at accreditation ang mga pribadong paara-lan na nais nilang pagpasukan sa kanilang mga anak, upang makaiwas sa mga kumplikasyon at problema sa hinaharap. Palagay ko naman, DepEd dapat ang sumeguro na ang lahat ng paaralang nag-ooperate sa bansa, pribado man o publiko ay hindi kolorum. Huwag nang ipatong sa balikat ng mga magulang ang pag-beripika.
- Latest
- Trending















