SINABON ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief CSupt. Allan Purisima ang limang police district director sa Metro Manila dahil sa paglipana ng mga kriminal. Mas inaatupag kasi ng mga police official ang pagkamal ng pera kaysa magbigay-seguridad sa mamamayan. Matapos sermunan ni Purisima, nagkanya-kanya na silang pakulo para ipakita sa NCRPO chief na nagtatrabaho sila. Biglang naging handang-handa sila sa pagbubukas ng klase sa Lunes.
Ang masakit, habang mini-meeting ni Purisima ang police officials, apat na call center agents ang hinoldap sa jeepney sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Gaya ng inaasahan, walang nahuling holdaper ang mga pulis dahil natutulog sila sa pansitan.
Sa balwarte naman ni Chief Supt. George Regis sa Quezon City Police District, dalawang salvage victim ang ikinalat sa magkakahiwalay na lugar. Unang nakita ang biktima na nakasilid sa sako na may masking tape ang mukha at tadtad ng saksak ng icepick sa dibdib sa Bonifacio Avenue corner Lunas St, Bgy. Amoranto at ang isa pa ay natagpuan naman sa Quezon Avenue corner Cordellera St. At blanko ang mga pulis ni Regis kung sino ang may gawa nito.
Sa Manila Police District, nagpakitang gilas ang mga tauhan ni Chief Supt. Roberto Rongavilla nang salakayin ang kuta ng mga criminal at drug pushers sa Intramuros. Si Insp. Danilo Anselmo, PCP Commander ng Intarmuros ang nanguna sa pagsalakay. Nalambat ang 10-katao na miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at Bahala na Gang. Nahuli rin ang tatlong binatilyo na nagbebenta ng marijuana.
Tama ang aksyon ni Alsemo sa naturang lugar. Mara-ming unibersidad sa Intramuros — Letran, Lyceum, Mapua, PLM —at mga estudyante nito ang madalas na puntirya ng mga kriminal at drug pushers. Dahil ang Maynila ay ay may 200 schools at universities dito tinuon ni Rongavilla ang pansin upang mabigyan ng proteksyon ang mga estudyante.
Sa mga kawatan sa Metro Manila, magbago na kayo habang may panahon dahil seryoso si Purisima na puksain kayo. At sa mga pulis, ipakita ang inyong kasipagan para hindi kayo pulutin sa kangkungan.