'Manggagantsong recruitment agency'
PATULOY pa rin sa pagdagsa ang mga nagsusumbong tungkol sa mga manlolokong recruitment o placement agency.
Kanya-kanyang estilo ang ginagamit ng mga kolokoy na ahensya para lang makasilo ng biktima. Gumagamit pa ng internet upang maabot ng kanilang panggagantso ang mga gustong magtrabaho abroad.
Isang grupo ng mga biktima ang lumapit sa tanggapan ng Isumbong Mo Kay Tulfo! sa radyo, inirereklamo nila ang Javier International Manpower Services Corporation.
Mahigit isang taon na raw ang lumipas, hindi pa rin sila nakakaalis patungong ibang bansa. Ang masakit pa dito, nakapagbayad na sila nang malaking halaga subalit patuloy pa rin sila sa paghihintay.
Ang dahilan, wala silang job order kaya hindi sila makapagdeploy ng mga empleyadong magtatrabaho sa ibang bansa.
Sa bukana pa lamang ng kanilang opisina, makikita na ang logo ng Philippine Overseas Employment Admi-nistration (POEA) kaya naman aakalaing isang lehitimong ahensya ang Javier InternatIonal Manpower Services Corporation.
Nakipag-ugnayan ang grupo ng Isumbong Mo Kay Tulfo! sa radyo sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame para mai-sagawa ang pagpapasara sa nasabing ahensiya.
Isang entrapment operation ang agad na ikinasa, matapos maiabot ang marked money, kumilos na ang mga operatiba ng Anti-Transnational Crimes Division ng CIDG.
Sa loob ng Javier In ternational Manpower Services Corporation nakita ang nakatambak na application documents ng mga biktimang nahulog sa kanilang patibong.
Nasabat din ng mga operatiba ang mga nakakahong passport na nakatago sa loob ng kanilang opisina.
Sa paulit-ulit na kasong ito, paulit-ulit din ang babala ng BITAG at Isumbong Mo Kay Tulfo! sa radyo tungkol sa mga manloloko at manggagantsong recruitment o placement agency.
Habang dumarami ang ating kababayan na gustong magtrabaho sa ibang bansa, patuloy naman sa pagdami ang mga mapanlinlang na ahensya. Patuloy din sa paglobo ang mga nabibiktima nito. Mag-ingat, mag-ingat!
- Latest
- Trending