SA Lunes ay magsisimula na ang klase. Babalik na naman ang trapik, hatid-sundo ng mga bata, paghanda ng baon, etc. Mga gawain na hindi naman nirereklamo ng mga magulang, basta’t makapag-aral at makapagtapos ang kanilang mga anak, para maging maganda ang kanilang kinabukasan.
Kaya naman kumikilos na ang Commission on Higher Education na ipasara ang mga paaralan na mabababa ang kalidad ng mga nagtatapos, na kadalasan ay hindi nakakapasa ng mga eksaminasyon katulad ng mga nursing boards at eksaminasyon para sa mga maritime na kurso. May mga paaralan na halos binibili lamang ang diploma para matawag lang na “graduate” ang isang mag-aaral at magamit sa paghanap ng trabaho.
Iba na ang mundo ngayon. Pihikan na mamili ng mga trabahador katulad ng mga nurse at seaman. Kilala sa buong mundo ang Pilipinong nurse at seaman na magagaling. Kaya maraming bansa ang gustong kumuha ng mga Pilipino na nurse at seaman para magtrabaho sa kanilang bansa o kumpanya. Masipag, maayos magtrabaho, marunong mag-Ingles, lahat na! Pero dahil sa mga pabrikang-diploma diyan, nasisira ang pangalan ng manggagawang Pilipino! Dahil sa masasamang kalidad ng iba, nadadamay na rin pati mga magagaling!
Edukasyon ang isa sa mga plataporma ni President Aquino na gustong baguhin at palakasin. Magandang simula ang pagsasara ng mga pabrikang-diploma kung tawagin. Dapat nga gawing kriminal ang pagbubukas ng mga ganitong klaseng paaralan, dahil nasa kamay din nila ang buhay ng isang tao pagdating ng panahon. Hindi ko nga maisip kung paano talaga papasa sa isang board exam ang mga nagtapos sa mga ganitong klaseng paaralan. Binabago na nga rin ng DepEd ang bilang ng taon na nasa high school dahil ganito na ang karaniwan sa ibang bansa. Lahat ito ay para maging de-kalidad ang mga Pilipinong nagtatapos. Para masulit ang lahat ng hirap na dinadaanan ng bawat magulang, maging mayaman o mahirap, at para sa kaunlaran ng bansa. Walang masama sa pagiging edukado., kahit ano pa ang sabihin ng iba.