(Unang Bahagi)
WALONG taon na siyang nakaratay sa kama. Hindi niya magalaw ang ibabang bahagi ng kanyang katawan. Wala ng maramdaman si Wali kaya’t tanging ang dyaryong nakasapin sa kanyang puwitan ang sumisipsip sa kanyang ihi at ang nakasukbit na plastic naman ang sasalo ng kanyang dumi.
Ganito ang naging buhay niya sa loob ng mahabang panahon. Ang Wali na tinutukoy ay si Alfredo S. Aricayos mula sa Bucal, Tanza, Cavite. Nang dahil sa isang putok ng .357 na baril. Naparalitiko ang kanyang kalahating katawan.
Ang pagtanggi ni Wali sa 357 na baril na sinasanla ng kapit bahay na si Casimiro Gabriel ang nagpainit sa ulo ng noo’y lasing na si Casimiro o “Miroy”.
“Ah… ayaw mo! Gusto mo iputok ko na lang sa’yo ‘to?” pananakot ni Miroy sabay tutok at putok ng baril kay Wali.
Si Wali ay dating Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East. Taong 1998 nang tumigil siya sa pangingibang bansa. Pinagpatayo niya ng bahay ang naipong pera. Bumili rin siya ng pampasadang tricycle. Ang mga kaunting perang natira naman pinautang niya sa ilang kasama sa asosasyon ng mga tricycle drayber.
Ang timano araw-araw ang hulog sa utang. Sampung pursyento (10%) naman ang interest. Isa sa mga napautang ni Wali ay si Miroy. Tatlong libong piso (Php3,000) ang unang inutang nito.
Nakabayad si Miroy nung una subalit ng sumunod kahit anung singil puro, “Pasensya na…” ang kanilang naririnig.
Sinubukan rin siyang singilin ng misis ni Wali na si Roselyn o “Oyang” subalit hindi ito umubra. Walang naiabot na bayad si Miroy.
“Hayaan mo na… Kung hindi siya magbabayad E di wag. Basta hindi na siya makakaulit!” katwiran ni Roselyn.
Ilang beses umutang si Miroy subalit hindi na siya pinahiram ng mag-asawa. Desperado na si Miroy pati ang paltik na baril niya pilit niyang isinanla kina Wali.
Ika-6 ng Hunyo… 2003 bandang alas kwatro ng hapon habang nagkukwentuhan sina Miroy, Wali at bunsong anak sa likod bahay dumating si Miroy . Lasing ito. Bibit ang kanyang paltik na baril nilapitan niya si Wali.
“Pare… sasanla ko muna sa’yo ang baril ko!” alok ni Miroy.
Tumanggi si Wali, “Naku… gipit din ako. Nagpapagawa ako ng bahay.”
“Ah ganun! Gusto mo iputok ko na lang sa’yo?” nakakagulat na sabi ni Miroy.
Binunot ni Miroy ang baril, tinutok kay Wali at pinutok. Kitang-kita ng misis at ng anak nito kung papaano tumama ang bala sa braso ni Wali. Tumagos ang bala at dumiretso tagiliran nito.
Nilapitan niya ang mister kasunod ang noo’y tatlong taong gulang na anak. Bigla siyang tinutukan ng baril nitong si Miroy. Hinila niya ang anak paloob ng bahay.
Sinara niya ang pinto. Bahagyang binuksan ang bintana at sumilip sa lugar kung saan naroon ang asawa. Nakita niyang nakabulagta na sa lupa si Wali. Si Miroy naman nanakbo na palayo.
Hindi malaman ni Oyang ang gagawin. Alam niyang makakatakas na ang demonyong bumaril sa kanyang asawa. Kapag iniwan naman niya ang mister baka hindi na niya ito abutan ng buhay.
Hinabol niya si Miroy habang naiwan naman sa bahay ang kanyang tiyahin kasama ng asawa. Maswerte naman at nakasalubong niya ang isang Pulis-Salinas na kanilang kapit bahay.
Ang pulis naman ang humabol kay Miroy. Mabilis naman siyang nadakip ng pulis. Sa presinto ng Tanza ang bagsak niya.
Binalikan agad ni Oyang ang asawa. Wala dun si Wali mabilis itong naisugod sa Tanza Family Clinic. Kritikal ang lagay ni Wali kaya’t inilipat siya sa Imus Pilar Hospital. Dito na naabutan ni Oyang ang mister. Ayon sa doktor mula sa braso tumagos ang bala at sumapul sa kanyang spinal column.
Kinailangan tanggalin ang bala sa kanyang likod. Natanggal ang bala sa kanyang likuran subalit tumama ito sa maselang bahagi ng kanyang spinal column. Naapektuhan ang kalahati ng kanyang katawan. Naging paralitiko siya. Umabot sa mahigit daang libo ang gastos nila sa ospital subalit ang pinakamabigat na pasanin ni Wali ay nalumpo na siya.
Naisampa ang kasong Frustrated Murder laban kay Miroy. Nakitaan ng probable cause ng taga-usig ang kaso kaya’t naiakyat ito sa Korte. Ganun pa man nakapagpiyansa si Miroy para sa kanyang panandaliang paglaya subalit matapos makalaya nagtago na siya.
Walong taon din ang tinakbo ng kaso hangang nitong Pebrero 2, 2011 nailabas ang ‘warrant of arrest’ kay Casimiro “Miroy” Gabriel ni Executive Judge Aurelio G. Icasiano Jr. ng Regional Trial Court (RTC), Branch 23.
“Walong taon ng nakaratay sa kama ang asawa ko habang ang kriminal na si Miroy malaya na gumagala sa ating lipunan. Ang mundo ng asawa ko ay pinaliit niya. Kasukat lamang ng kanyang kama na hinihigaan,” sabi ni Oyang.
Walang makapagturo kung nasaan si Miroy. Inisip ni Oyang na sa pamamagitang ng CALVENTO FILES matulungan siyang mahanap itong wanted na si Miroy. Ito ang dahilan kung bakit siya nagsadya sa amin. Gusto niyang maitampok sa aming pitak ang kanyang istorya at mai-‘publish’ ang mukha ni Casimiro Gabriel alyas “Miroy” ang bumaril sa kanyang asawa.
Itinampok namin ang istorya ni Oyang sa CALVENTO FILES sa radyo.
Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon).
Maliban sa paglalathala ng larawan ni Miroy upang maging lubusan ang aming pagtulong inirefer namin si Oyang kay Atty. Jose Ferdinand Rojas II. Ang General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Para matulungan si Oyang sa mga gamot na kailangan ni Wali.
Para sa mga nagbabasa ngayong araw na ito. Sa mga nakakaalam kung saan naruroon si Miroy makipag ugnayan lamang sa aming tanggapan o tumawag sa mga numero sa baba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com