MAY plano raw bumili ng Philippine Navy ng kauna-unahang submarine. Pinag-aaralan na raw ang plano, at kung sasang-ayon ang panahon at pulitika, hindi lalampas ng 2020 ay may submarine na ang Pilipinas! Pero sandali, medyo malaking pangarap yata iyan. Unang-una, bakit natin kailangan ang submarine, kung ang mga barkong pandigma ay kulang na kulang pa? Tayo’y isang bansa na may higit pitong libong isla at maraming karagatan. Sa tingin ko ay mas mahalaga ang pagandahin na muna natin ang ating mga barkong pandigma, na hindi naman mga pinaglumaan ng Amerika na ginamit pa noong World War II! Kailangan natin ng mga mabibilis na barko na makakahabol sa mga maliliit na lantsa na ginagamit ng mga terorista, rebelde, pirata at kriminal sa kanilang mga aktibidad. Kailangan natin ng mga barko na moderno na ang mga sandata at kakayahan, katulad ng mga cruiser na may dalang sariling helicopter. Iyon ang mga mapapakinabangan natin nang husto.
Pangalawa, napakamahal ng submarine. Bukod sa submarine mismo, kailangan nang matinding pagsasanay para mapatakbo lang nang maayos ang isang submarine. At hindi lang submarine ang bibilhin kundi ang mga sumosuportang mga barko para rito, kasama na ang Deep Submergence Rescue Vehicle (DSRV) na sasaklolo sa submarine kung sakaling may mangyari. Lahat iyan ay ubod nang mahal. Kahit siguro sa 2020 ay hindi pa natin makakayanan ang presyo ng mga ito.
Katwiran ng Philippine Navy sa pagkuha ng submarine ay marami nang pag-aaral ang ginagawa sa ilalim ng karagatan ng bansa. Kung ganun, isang deep sea research vehicle ang kailangan natin. Iyan, sang-ayon ako dahil napakarami ngang mga likas na kayamanan ang nasa ilalim ng ating mga karagatan. Isa na ang mga Spratly Islands kaya pinag-aawayan ito nang matindi ng ilang bansa, kasama na ang higanteng China! Ang submarine ay tinatawag na isang “first strike weapon” ng mga bansang meron nito. Ang kanyang kapabilidad na makalapit sa mga kalaban nang hindi nakikita ay isang tunay na magandang katangian. Tunay na magandang sandata. Maganda nga naman kung meron tayo. Pero kung may pera na tayong pambili ng isang submarine, siguro dapat maganda na rin muna ang ating Hukbong Himpapawid. Ang isang malakas na Hukbong Himpapawid ay magandang depensa sa lahat ng kalaban. Sa mga giyerang nakikita natin ngayon, pati ang mga nakaraan, kung sino ang may malakas na Air Force, siya malamang ang magwawagi sa laban.
Siyam na taon na lang ay 2020 na. Sa panahong iyan, dapat pag-aralan nang husto ng AFP kung anong sangay ang dapat palakasin at gawing moderno, para muling mapantayan ang ating mga kapit-bahay na bansa. Siguro kaya gusto ng submarine dahil may mga submarine ang Indonesia, Malaysia, Singapore at Vietnam. Nakakainggit nga naman.