Illegal recruiters durugin!

SALAMAT at mukhang determinado ang administrasyong Aquino na puksain ang mga limatik na illegal recruiters. Kay dami nang napahamak na Pinoy sa kamay ng mga iyan. Hindi natin malimutan ang kaso ng mga Pinoy na binitay sa ibang bansa dahil ginawang drug couriers ng mga illegal recruiters. Isa sa mga dahilan iyan kung bakit binuhay ng Palasyo ang Presidential Task Force Against Illegal Re-cruitment (PTFAIR) sa bisa ng Executive Order (EO) No. 41.

Ayon kay Executive Secretary Ochoa determinado ang administrasyon na papanagutin sa hustisya ang mga illegal recruiters at mga galamay nito. Itinalagang mamuno sa Task Force ng Pangulo si Vice President Jojo Binay dahil sa pagiging Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ Concern. Ang mga kalihim naman ng Department of Labor and Employment at Department of Justice ang tatayong mga vice chair.

Kasama bilang mga miyembro ng PTFAIR ang mga ka­lihim ng Department of Interior and Local Government at Department of Foreign Affairs; ang komisyoner ng Bureau of Immigration; ang prosecutor general ng Justice Department; ang National Bureau of Investigation director; ang pinuno ng Philippine National Police-Criminal Investigation; at ang general manager ng Manila International Airport Authority.

Ayon kay Ochoa, tungkulin ng PTFAIR na palakasin at pag-isahin ang mga programa at inisyatiba ng mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno nang sa gayon ay masapol ang pinakailalim ng suliranin hinggil sa illegal recruitment.

Partikular na tinukoy ni Ochoa na dapat na magkaroon ang PTFAIR ng matitinding estratehiya at programa laban sa modus operandi ng illegal recruiters tulad ng pag-e-escort sa loob ng international airports, pamemeke sa passports at iba pang travel documents. Aniya, dapat ding tibagin ng PTFAIR ang sindikatuhan ng illegal recruiters, mga kasapakat at protektor.

Sa ilalim ng naturang EO, sakop ng kapangyarihan ng PTFAIR na magsagawa ng surveillance at entrapment ope­rations sa mga taong pinaghihinalaang sangkot sa illegal recruitment.

Anang Executive Secretary, magagampanan nang ganap ng PTFAIR ang iniatas sa kanilang tungkulin kung ang mga mapagsamantalang recruiter at alipores ay maipapaaresto sa pulisya at masasampahan ng matitibay na kaso at malilitis sa mga hukuman ng bansa.

Show comments