Pagpatay sa terorismo
Sariwa pa sa isip natin ang pagkakapatay kay Osama bin Laden – ang hari ng pandaigdig na terorismo. Mada-ling pumatay ng terorista pero halos imposibleng patayin ang terorismo.
Madaling pumatay ng kriminal pero imposibleng patayin ang kriminalidad. Posibleng sa masinsing pagmamatyag at kahandaang lumaban, pansamantalang mapigil ang ano mang lisyang kaisipan. Pero sa katiting na panlalamig ay babalik na naman ito para maghasik ng lagim.
Ang mga ideyolohiyang tulad ng terorismo, komunismo at mga pilosopiyang nagsasabing puwedeng gumawa ng kasamaan para sa pansariling kaligtasan ay mga puwersang hindi nakikita at nasasalat ngunit umiimpluwensya sa isip ng tao.
Maaaring palibutan ang pinagkukutahan ng mga rebeldeng komunista o balwarte ng mga terorista at bandido saka paulanan nang walang habas na artillery bombs. Puwedeng mistulang anay na mapupuksa ang lahat ng mga kalaban subalit naririyan pa rin ang kaisipan na maghahanap lang ng ibang tao’ng maaaring lasunin ang isip.
Sa Ephesians 6:12 ng biblia, sinasabi na ang tunay na kalaban ay hindi tao kundi ang espiritual na puwersang nagmamanipula sa tao. Sa kaso ng mga nagsasabing sila’y mga Islamic fundamentalists na nagsasabing puwede silang maghasik ng karahasan at pumatay para sa kanilang pa-nanampalataya, maaaring may masaklap silang karanasan sa mga taong mula sa ibang relihiyon. Maaaring naniniwala silang sila’y api-apihan ng ibang tao kaya sila ngayo’y nagrerebelde sa pamamagitan ng maramihang pagpatay na sa tingin nati’y walang lohika o dahilan. Hindi kaya ang mga ito’y biktima ng diskriminasyon?
Sa mga rebeldeng komunista, alam natin na ang malaon nang ipinaglalaban nila’y kawalan ng hustisya at kahirapan. Totoo naman hindi ba? Maraming mahihirap ang nakukulong sa pang-uumit ng kaunting panawid gutom habang yung mga makapangyarihan na nagkakamal ng milyones mula sa kaban ng bayan ay nabubuhay na parang hari.
Kung mawawala ang mga dahilan sa pag-iral ng lisyang kaisipan gaya ng kasakiman ng ilan, kawalan ng katarungan, diskriminasyon at iba pa, tiyak na mawawala rin ang mga salot ng lipunan.
- Latest
- Trending