MARAMI nang pagkakataon na nakalusot ang mga terorista at nakapagsagawa ng pambobomba na ang mga biktima ay mga inosenteng mamamayan. Sino ang makalilimot sa Rizal Day bombing noong Dec. 30, 2000 kung saan limang magkakasunod na pagsabog ang naganap sa Metro Manila. Binomba ang isang train ng LRT sa Blumentritt Station kung saan ay maraming namatay. Binomba ang isang parke na malapit sa US Embassy. Binomba ang isang warehouse malapit sa NAIA. Binomba ang isang bus habang bumabagtas sa EDSA. Binomba ang paligid ng isang five-star hotel sa Makati.
Ang pambobombang iyon ay tila ba testing na isinagawa namang September 11, 2001 attack sa US kung saan limang eroplano ang kinumander at saka ibinangga sa mga gusali. Nawasak ang Twin Tower ng World Trade Center at may 3,000 katao ang namatay.
Nagkakapareho ang pagsasagawa ng pambobomba sa Pilipinas at ang 9-11 attack. Niyanig ang Pilipinas sa Dec. 30 bombing. Maraming naulila. Maraming humingi ng hustisya. Umano’y may kinalaman ang Al-Qaeda movement ng napatay na teroristang si Osama bin Laden. Umano’y binibigyan ng pondo ng Al-Qaeda ang Abu Sayyaf at Jemmaah Islamiyah para maghasik ng lagim. Ang Jemmah Islamiyah ang itinuturong nasa likod ng Rizal Day bombing.
Nakalusot uli ang Abu Sayyaf at nakapaghasik ng lagim noong Pebrero 27, 2004 kung saan tinaniman ng bomba ang SuperFerry 14. Sumabog ang bomba, isang oras makaraang umalis sa Manila port ang barko. Tinatayang mahigit 100 ang namatay sa pambobomba at marami pang nawawala. Noong Pebrero 14, 2005, muling sumalakay ang Abu Sayyaf at tinaniman ng bomba ang isang bus habang naghihintay ng pasahero sa Ayala. Apat na pasahero ang namatay.
Pinaniniwalaang gaganti ang mga galamay ni Bin Laden. Magsasagawa sila ng pambobomba. Ipakikita nilang kahit patay na ang kanilang lider kaya nilang magsagawa ng mga pambobomba. Ipakikita nilang buo pa ang grupo ni Bin Laden.
Maigting na pagbabantay ang dapat isagawa ng mga awtoridad upang hindi makalusot ang mga “uhaw sa dugo” na galamay ni Bin Laden. Maging mapagmasid at alerto naman ang mamamayan.