UNA sa lahat, nagpapasalamat ako sa National Bookstore sa pagpili ng librong “Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain” para sa kanilang Best-seller List. Hindi ko akalain na maraming magkakagusto sa librong ito.
Itong koleksyon ay may 79 artikulo mula sa Pilipino Star NGAYON. Nagpapasalamat ako ng lubos kay Mr. Miguel G. Belmonte, ang Presidente ng Pilipino Star NGAYON at The Philippine STAR.
Heto ang ilan sa mga pinakamahalagang tips sa librong ito:
1. Ang pinakamasustansyang prutas ay ang saging, kamatis, mansanas at dalandan. Ang saging ay punumpuno ng mga sangkap na mabuti sa ating tiyan, puso at katawan. Kapag kumain ka ng 2 saging sa maghapon, para ka na ring uminom ng isang multivitamin. Mas masustansya ang lakatan kaysa sa latundan o saba. Ang kamatis, ketsup at tomato sauce ay may lycopene na panlaban din sa kanser. Ang dalandan, calamansi at suha ay mayaman naman sa Vitamin C. Mabuti ito para sa sipon at sa mga may sugat.
2. Ang pinakamasustansyang isda ay iyung mataas sa Omega-3 fish oil. Ito ay matatagpuan sa sardinas, salmon, mackerel, tamban, tilapia, tunsoy at hasa-hasa. Medyo mababa ang Omega-3 ng bangus pero puwede na rin ang bangus belly. Hindi po masama ang taba ng isda. Sa katunayan ay makatutulong ito sa ating puso, utak at ugat. Magiging matalino ka pa.
3. Kumain ng maberdeng gulay tulad ng pechay, ampalaya, kangkong, talbos ng kamote, at repolyo. Ito ay punumpuno ng vitamins at minerals na mabuti sa ating katawan. Dahil mataas din ito sa fiber, makatutulong ang gulay sa ating sikmura at bituka. Mapapaayos din ng gulay ang ating pagdumi.
4. Alamin ang iyong tamang timbang at piliting maabot ito. Heto ang mga tips para pumayat: (1) kumain ng isang tasang kanin lang (1 cup rice), (2) umiwas sa soft drinks at iced tea, (3) magtubig ka na lang, (4) kumain ng mas maraming gulay, (5) magbawas sa panghimagas tulad ng mga cake at ice cream, (6) diyetahin ang pagkain ng prutas at fruit juices dahil nakatataba rin ito, at (7) mag-ehersisyo.
Ang librong “Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain,” ay matatagpuan sa lahat ng National Bookstore. Mababasa rin ang aking mga artikulo ng libre sa internet (docwillieandliza.com).