NOONG Miyerkules Santo maraming kritiko ni President Aquino ang napakibit-balikat sa isinagawang surprised visit nito sa terminal ng Negros Navigation sa Pier 2 ng North Harbor, Tondo, Manila. Bakit daw kailangan pang si P-Noy ang mismong mangasiwa ng pag-iinspection sa kaligtasan ng mga pasahero sa pantalan, gayung sangkaterbang pulis at multi-sectoral agencies na ang nagpapogi points este nagtulung-tulong para sa kaayusan doon.
Napuna rin ng mga kritiko ni P-Noy na hindi nakasama si PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo. ’Yan ang unang napuna ng aking mga nakausap. Oo nga naman, bakit si National Capital Region Police Office Dir. Nicanor Bartolome ang kasama niya ng maglibot? Indikasyon kaya ito na malamya na ang pananaw ni P-Noy kay Bacalzo kaya si Bartolome na lamang ang kanyang pinagkakatiwalaan? Kung sabagay, noon pa man halata na ang panlalamya ni Bacalzo. Nahagip ng mata ni P-Noy ang kawalan ng tourist police nang mapadaan sa gilid ng Manila Hotel. Kaya humantong ito sa pagkasibak ora mismo kay Chief Insp. Efren Pangan, hepe ng Luneta Police Community Precinct. Nagpabaya si Pangan sa pag-supervise sa kanyang mga tauhan gayung nasa full alert status ang PNP. Sa pagmamasid ni P-Noy sa Pier 2 halatang dismayado ito sa kawalan ng kasanayan sa pagrerekisa sa mga kargamento ng mga pasahero. Malamang na isasalang sa retraining at seminars ni P-Noy ang mga pulis sa mga susunod na araw. Matapos sa North Harbor, ang NAIA-3 sa Pasay City naman ang tinungo ng Presidente. Gayundin ang kanyang napansin, walang kasanayan. Tinungo naman niya ang terminal ng bus sa Cubao, Quezon City. At gaya sa North Harbor at NAIA 3, nakita rin ang maraming kapalpakan sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga pasahero. Bumalik na siya ng Palasyo na dismayado dahil sa kapalpakan ng kanyang opisyales. Tiyak may balasahan sa mga susunod na araw.
Samantala, inatasan ni MPD director Chief Supt. Roberto Rongavilla si Deputy Director for Administration Senior Supt. Alejandro Gutierrez na sampahan ng administrative cases sina Chief Insp. Pangan, PO1 Ronald Olarte at PO1 Ronel Mendoza for simple neglect of duty. Itinalaga ni Gutierrez si Chief Insp. Randy Maluyo kapalit ni Pangan at si Chief Insp. Rogelio Gabad bilang supervisor ng Tourist Police Outpost. Ngayon tiyak na hindi na sila makakalusot sa mga kuko ni Rongavilla dahil palagi na silang sisilipin sa puwesto.