TAHIMIK at payapa ang buong kamaynilaan nitong nakaraang Huwebes Santo hanggang Sabado De Gloria.
Ang mga pangunahing kalsada, napakaluwag at maaliwalas. Wala ang mabigat na daloy ng trapiko na inirereklamo ng mga motorista sa mga regular na araw.
Karamihan kasi ng mga Pinoy, nag-uwian sa kani-kanilang probinsiya at doon ginunita ang Semana Santa. Subalit ang mga “kolokoy” ng lipunan, walang kuwaresma.
Lumabas pa nga sa balita sa telebisyon na marami ang nawalan ng cellphone, pera, wallet at iba pang mahahalagang bagay sa mga matataong lugar kung saan nanonood ng senakulo at nagdarasal ang mga tao.
Sila ‘yung mga magnanakaw, eskubador, mandurukot. Isama na rin dito ‘yung mga salisi at akyat-bahay gang na naging aktibo bago pa man magsipag-bakasyunan ang mga tao.
Isang grupo ng akyat bahay gang ang tinututukan ng BITAG isang linggo bago pa man magmahal na araw. Lumapit sa amin ang isa sa mga biktima nito na siya ring nagbigay ng pagkakakilanlan ng mga miyembro.
Kasalukuyang may warrant of arrest ang lahat ng miyembro nito. Dalawa sa mga ito ay nahuli na sa isang lugar sa CaMANAVA. Ang isa pang miyembro, sa isang probinsiya naman sa Region 3.
Habang ang kanilang lider, nagtatago sa isang siyudad sa South at kasalukuyan umanong nagre-recruit pa ng mga bagong miyembro.
Hindi muna ibibigay ng BITAG ang buong detalye sa grupong ito dahil kasalukuyan naming tinatrabaho. Subalit patuloy kaming nagbabala dahil Metro Manila ang area of operation ng nasabing grupo. Hindi lamang ngayong mahal na araw mababakante ang ilang kabahayan sa Metro Manila. Mahaba-haba pa ang summer at sigurado ka-ming marami pang Juan Dela Cruz na mawawala sa kanilang mga tahanan.
Pagkakataon naman ito sa mga grupo ng mga kawatan para pasukin at nakawan ang inyong mga bahay o establisyamento man. Ilang bagay ang maaaring gawin bilang pag-iingat. Palitan ang lahat ng kandado ng inyong bahay at ‘wag iwanan ang susi sa kapit-bahay. Hangga’t maaari ay sa pinagkakatiwalaang kamag-anak ito iwanan. Siguraduhing lahat ng daanan tulad ng pinto, bintana, basement at ma-ging mga lalagyanan ng aircondition ay nakakandado. Eto ang mga butas na po sibleng daanan ng mga magnanakaw.
Ganito rin ang estilo ng grupong aming tinatraba-ho. Kung may impormasyon sa grupo ng akyat-bahay gang na aming tinutukoy, makipag-ugnayan agad sa BITAG.
Makakatulong ang anu mang detalyeng ipagkakatiwala niyo sa amin upang mas mapabilis na malambat ang mga kawatang ito.