The Power of spoken words
MAY kapangyarihan ang binibigkas na salita. Kaya k’widaw tayo sa mga sinasambit natin at baka nga mangyari. Okay lang kung positibo. Pero kung minsa’y nakapagbibiro tayo sa ating mga kaibigan “madapa ka sana.” Maaaring biro pero puwedeng maganap dahil sa kapangyarihan ng salita.
May nagustuhan akong sinabi ni Presidente Aquino sa kanyang Easter message: Aniya makaaahon ang Pilipinas sa kadilimang kinalalagyan partikular sa kadiliman ng korapsyon at kahirapan. Amen! Kung ang tao ay magkakaisa at aayon sa sinabi ni P-Noy, walang pasubaling magaganap ito. At sino ba ang ayaw makahulagpos sa kahirapan? Wala.
Kung pinaniniwalaan natin ang sinasabi ng Biblia, nilikha ng Dios ang lahat sa pamamagitan lamang ng Kanyang Salita. “Magkaroon nito, magkaroon noon,” aniya at naganap. Pati tayo ay nalalang dahil sa kapangyarihan ng Dios.
At komo nilikha tayo nang ayon sa Kanyang imahe, kahit ang salita natin ay may taglay na kapangyarihan. Minsan, kapag may matindi tayong galit kanino man ay napag-iisipan natin siya ng masama. Nakapagsasabi tayo ng masamang mangyayari sa taong kagalit natin. Katumbas iyan ng pangkukulam.
Pero kung maghahangad tayo ng mabuti sa ating kapwa tulad nang umasenso ka sa trabaho o gumaling ka sa iyong karamdaman, ang salita nati’y magkakatotoo sa taong yaon. Pati na ang mabubuting hangarin natin sa sarili ay magkakatotoo sa ating salitang may lakip na pananalig sa Panginoong Dios.
Nakapa-positibo ni P-Noy nang sabihing malapit na tayong umangat sa kahirapan. Pero siya lang marahil at ilang naniniwala sa kanya ang tumatangan sa paniniwalang ito. Baka mas marami yung mga sasalungat sa kanya lalu na sa kanyang mga kaalit sa pulitika. Mga taong magsasabing “wala iyaan!”
At yung mga sobra-sobra na ang hirap na dinaranas ay baka sabihing “hindi na ako naniniwala diyan.” Kung outnumbered ng negatibo ang positibo, malamang matalo ito. Kaya sa mga positibong pananaw para sa ikabubuti ng bansa, umayon tayo nang may kasamang panalangin sa Dios. Lakipan din ng pananalig na ang mga magandang bagay ay mangyayari dahil nasa panig natin ang Dios. At bago ko makalimutan, lakipan ng aksyon dahil ang pananampalatayang walang gawa ay baog na pananampalataya.
At heto ang gusto’ng ideklara ng aking labi na sana’y sang-ayunan ninyo: Ang Pilipinas ang papalit sa Amerika bilang pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig. Sa ngalan ni Jesus — AMEN!
- Latest
- Trending