PASANG-KRUS ang walang tigil na pagtaas ng produktong petroleo. At walang pangilin sapagkat kahit daw Mahal na Araw ay maaaring magtaas ng presyo ang mga kompanya ng la-ngis.
Ayon kay Energy undersecretary Jess Layug, patuloy na tumataas ang presyo ng petroleum products sa world market. Ayon kay Layug, $116 na ang bawat bariles ng langis at maaa-ring tumaas pa ngayong Semana Santa. Halos linggu-linggo aniya ay tumataas ang presyo ng langis sa world market. At dahil sa ganitong pangyayari, magsisimula nang mag-stock ng 50 million liters ng diesel ang national government sa susunod na buwan. Gagawin umano ang pag-i-stock para may magamit sa oras ng pangangailangan.
Kailan kaya matatapos ang pagpapasan ng krus na ang mga kakarampot ang kinikita ang apektado. Wala nang mabili ang kanilang sinusuweldo sapagkat nagtaas ang mga bilihin. Pawang paghihigpit ng sinturon ang kanilang ginagawa. Kamakalawa, inanunsiyo na magtataas din ng presyo ang liquified petroleum gas (LPG). Kamakailan lang ay nagtaas ng pamasahe ang mga bus. Humihirit naman na magtaas din ng pasahe ang mga traysikel. Ang mga jeepney driver ay umaangal sapagkat wala ring silbi ang ino-offer na subsidy ng pamahalaan sapagkat walang tigil sa pagtaas ang diesel. Hindi pa nila napapakinabangan ay sinagasaan na naman ng pagtataas.
Ang mga mahihirap ang laging nahihirapan sa pagpapasan ng hirap. Wala na bang katapusan ito. Nararapat na makaisip ng epektibong paraan ang pamahalaan upang hindi masaktan ang balikat ng mga mahihirap. Walang pagbabago at mas tumindi pa ang paghihirap. Sa survey ng SWS kamakailan, mas dumami ang nagutom.
Kailan kaya mararanasan ng mahihirap na walang pabigat sa kanilang balikat?