EPEKTIBO ang preparasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) na dapat tularan ng ibang ahensiya ng pamahalaan. Ang mga PCG ay dating mga sundalo ng Philippine Navy subalit dahil sila’y nasasakupan ngayon ng Department of Transportation and Communication (DOTC) kaya mas dinoble pa nila ang sipag upang paglingkuran ang sambayanan.
Siniguro ni Admiral Wilfredo Tamayo sa publiko na magiging alerto ang kanyang mga tauhan upang mangalaga sa kaayusan at seguridad ng mga pasahero ngayong Semana Santa. Sabagay, noon paman mahigpit na sila sa pagbabantay sa lahat ng mga pantalan matapos ang kagimbal-gimbal na trahedya na kung saan nasunog ang Super Ferry 14 sa karagatan ng Cavite at Bataan. Ito ang naging daan upang ipakalat ni Tamayo ang Special Operation Group at K-9 dogs na aamoy sa lahat ng mga kargamento bago ipasok sa mga barko. Nariyan din ang mga personnel ang PCG na umaasiste sa mga security guard ng shipping companies sa pagrekisa sa mga pasahero upang mahadlangan ang pagpasok o pagdala ng mga patalim, baril, pampasabog at maging tangke ng LPG.
Ibinubuhos ni Tamayo ang lahat para makaresponde sa oras ng trahedya. Naglaan din ng Medical Team sa lahat ng pantalan upang mabigyan agad ng lunas ang ilang pasaherong magkakaroon ng biglaang karamdaman at iyan ay binubuo ng mga Coast Guard Auxiliary. At higit sa lahat ay laging alerto ang mga Sea Marshall ng PCG na kasabay sa pagbibiyahe ng mga barko kung kaya ang lahat ng pasahero ay nababantayan. Iniinspeksiyon din ng PCG ang mga life jacket at life saving appliances kaya natitiyak na may proteksyon ang mga pasahero sa oras ng sakuna.
Ang lahat ng iyan ay inyong makikita sa lahat ng mga pantalan. Kapag nagmintis ang mga ito ay maari ninyong isangguni agad sa lahat ng PCG detachment upang maparusahan ni Tamayo ang mga responsable. At upang madaling maka-ugnayan ng publiko ang PCG personnel ay oras-oras naman itong tini-tsek ni PCG spokesman Arman Balilo na nagpaparating ng ulat sa mga mamahayag. Malinis ang hangarin ng PCG kaya nanawagan ito sa publiko particular sa mga pasa-hero na kumuha ng ticket nang maaga upang maiwasan ang pagsisiksikan.