PINAKASALAN ni Danny si Tarhata, isang Muslim sa Mindanao , ayon sa ritwal at alituntunin ng relihiyong Islam na sinusunod nilang dalawa. Sa kanilang kasal ay nagkaroon sila ng apat na anak. Dalawa ang namatay noong bata pa lamang.
Siyam na taon matapos at habang kasal pa rin sila, nagpakasal naman si Danny sa ibang babae, sa pagkakataong ito ay kay Beth naman. Kasalang sibil ang nangyari at isang huwes ang gumawa ng seremonyas ng kasal. Nagpakasal si Beth kay Danny sa paniniwalang hindi ito kasal sa iba. Nagkaroon sila ng apat na anak.
Labing-anim na taon pagkatapos nito ay namatay si Danny. Bumagsak ang sinasakyan niyang eroplano. Nang mamatay ay mayroon siyang dalawang pa-milya na ilang daang kilometro ang layo sa isa’t isa.
Parehong sinasabi ng una at pangalawang asawa ni Danny na sila ang may karapatan sa kanyang mga iniwang ari-arian. Sino ba talaga sa kanila ang talagang may karapatan?
Walang pag-aalinlangan na pinakasalan ni Danny si Tarhata ayon sa ritwal ng mga Muslim. Legal at may bisa ang kasal nila kaya ang pangalawang kasal ni Danny kay Beth ang walang bisa.
Ayon sa batas ng pagpapamana (New Civil Code), ang legal na tagapagmana ni Danny ay ang kanyang asawang si Tarhata, ang dalawa nilang anak pati ang apat niyang anak kay Beth. Kailanman ay hindi nawala kay Tarhata ang karapatan bilang legal na tagapagmana ni Danny. May karapatan siya sa ari-arian ng asawa. Sa kabilang banda, hindi makakakuha ng kahit ano si Beth bilang pangalawang asawa ni Danny dahil sa umpisa pa lang ay wala na talagang bisa ang kasal nila. Pero ang mga anak ni Beth kay Danny bilang mga anak sa labas ay may karapatan bilang tagapagmana.
Kaya ang naiwang ari-arian ni Danny na kalahati ng tinatawag na “conjugal share” nila ni Tarhata ay hahatiin sa ganitong paraan: Kalahati (1/2) ang mapupunta sa dalawang anak nina Danny at Tarhata, pantay silang maghahati nito, ikaapat na bahagi (1/4) naman ang kay Tarhata, at sa apat na anak naman ni Danny kay Beth ang natitirang ikaapat na bahagi (1/4) pantay din itong paghahatian ng apat na magkakapatid (Yap vs. Court of Appeals, 145 SCRA 229). Paalala: Sa Art. 176 ng bagong batas (Family Code), ang ilehitimong anak/anak sa labas, kinikilala man o hindi ay binigyan na nga-yon ng karapatan sa kalahati (1/2) ng matatanggap ng lehitimong anak.