Parusang kamatayan: Timbangin ang bigat
BATID ng nakararaming Pilipino na maysala sina convicted drug mules Ramon Credo, Sally Villanueva, at Elizabeth Batain. Tinanggap ng bansa ang pagbitay sa kanila nu’ng Miyerkules sa China, sa karumal-dumal na krimen. Wika ng pamilya nila, biktima sila ng sindikato at ng kahirapan. Hindi raw nila alam na may drogang nakatago sa maleta nang bumiyahe sa China nu’ng 2008. Inosenteng ginamit daw nila ito nang ipahiram ng kani-kanilang “job recruiters”. Pero imposibleng hindi nila napansin ang kakaibang bigat ng maleta. Tig-apat na kilo (8.8 pounds) ng heroin ang nahuli kina Credo at Villanueva; pitong kilo (15.4 pounds) kay Batain. Dapat nagtaka rin sila nang alukin ng malaking halaga para magbiyahe. Hindi katwiran ang kahirapan para magpakalulong sa krimen.
Ganunpaman, nalungkot ang bansa sa pag-lethal injection sa tatlo. Ito’y dahil nakikita natin sa kanila ang ating mga sarili o kaanak — kapit-patalim para lang mabigyan ng mas magandang buhay ang pamilya. Bukod du’n, umiral ang relihiyon natin. Turo sa atin na bawat nilalang ay may kakayanang pagbutihin ang sarili. Kaya dapat bigyan lahat ng pagkakataong magbago, pati mga pusakal.
Iba ang pag-iisip sa China. Komunista ang sistema; walang Diyos. Nakaugat sa kultura ang pilosopiyang Confucius — hindi relihiyon kundi way of life. Walang konsepto ng kawalan-hanggan sa Confucianism; kapag namatay, maa-agnas ka na, di tulad sa Kristiyanismo at ibang Abrahamic religions, Islam at Judaism, na nagtuturong babangon muli ang mga yumao para sa Huling Paghuhusga.
Kaya sa China, at ito’y natutunan ng Pilipinas sa tatlong kabayang binitay, walang pata-patawad sa sentensiyang kamatayan. Nu’ng 2010 sa 30 bansa, tig-isa hanggang walo ang binitay. Sa China, 2,000!
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending



















