Tinimbang ng bayan

MARAMI ang nagkomento tungkol sa boto ng House of Representatives sa Impeachment ni Ombudsman Merci Gutierrez. Strong message raw ito na dapat isaalang-alang ng Senado. Medyo nakakabigla rin ang resulta – hindi sukat akalain na kaya ng House na makabuo ng ganoon kalaking mayorya laban sa proxy ni GMA na si Ombudsman Merci. Katatapos lang nga naman ng termino ni GMA; kabilang pa siya sa hanay ng mga Kongresista. Sa kabila nito ay 212 against 47 pa rin ang nang-impeach. Pusoy na pusoy!

Hindi naman makasaysayan ang ganito kalaking agwat ng boto. Mas malaki pa nga ang mga mayorya nung panahon ni GMA. Naiiba lang ito dahil nasanay tayo na ang House ay panay sangga at proteksyon sa nakapuwesto, kahit pa kinasusuklaman ng pampublikong opinyon. Ngayon ay bigla silang nakahanap ng tapang at sila na ang namamaratang. Nakakapanibago. At nakakapagtaka.

Never nakakabuo ang House ng ganito karaming bilang sa botohan kung walang “extra” na motibasyon ang mga miyembro. Basta may malaking boto sa House ay may kumakalat na balita na nagkabigayan.. Maaring salapi, cdf o pabor. Hindi rin nakakatulong ang ginawang fastbreak sa pagboto sa plenaryo. Para bang may hinahabol – na bago magpalit ng isip o isa-isang magkandawalaan ang mga miyembro ay magkaalaman na.

Nakapagpakita man ng paninindigan ang House ay hindi pa rin maiwasang maghinalang pulitika ang umiral at hindi konsyensya. Sayang. Kung sana’y hinayaan nilang makapagpaliwanag ng husto ang mga minorya; kung sila man ay maingat na nagpaliwanag na kanya kanyang dahilan sa pagboto; kung tumulad sila sa istilo ng mga mayorya noon ni GMA na hindi mo man matalo sa botohan ay at least nabibigyan ng pagkakataong mamayani ang isang tunay at masiglang debate – sana. Sayang. Wala talagang napakinabangan ang tao sa nangyari sa Kamara: Sa Committee level ay pinagtulungan si Ombudsman; sa plenaryo ay walang magandang debateng nangyari.

Ang impeachment pro­cess ay parang balik classroom ng lipunan sa mga ma­halagang konsepto ng mabuting pamamahala. Ang opisyal na naimpeach ang ni­lilitis. Pero huwag silang magkakamali dahil ang lahat, maging ang namamaratang, ay hinuhusgahan ng bansa.

Show comments