SA paglutang ni Senator Ping Lacson, nabuo na rin ang cast of characters nang pinakahuling impeachment case ng bansa. Kung patuloy siyang nagtago, yanig sana ang mundo ni P-Noy dahil may argumento na kung wala si Ping ay 7 lang na boto ang kakailanganin upang mapawalang sala si Ombudsman Gutierrez.
Maraming ganitong haka-haka na dumadagdag sa misteryo ng impeachment. Sunod sa guessing game ng posibleng boto ng mga Senator-Judges, ang pinagtatalunan din ay kung makikisali muli ang Mataas na Hukuman tulad ng nangyari nang hinarang nito ang proseso sa mababang kapulungan.
Nararapat bang manghimasok ang Supreme Court gayong inireserba naman ng Saligang Batas sa kagawaran ng Lehislatura ang impeachment power? Sa Amerika kung saan hinango ang proseso, mariing itinatanggi ng US Supreme Court ang anumang karapatang makialam oras na nakapag-umpisa na ang proseso ng impeachment. Dito sa atin, iba ang naging karanasan.
Sa mismong Gutierrez impeachment, ipinaliwanag ng Hukuman na hindi ito nawawalan ng puwersa kahit pa ang bola ay nasa kamay na ng Lehislatura. Kailanman ay hindi maaring tanggalan ng katungkulan ang Hukuman na siguruhin ang mga takdang hangganan ng Saligang Batas ay hindi nababalewala. Wala raw itong pakialam sa pag-intindi ng Kongreso ng kung ano ang kahulugan ng “Other High Crimes” at “Betrayal of Public Trust”, mga impeachable offense na walang malinaw na definition. Bilang mga prosecutor at huwes, ang mga mambabatas na ang magdedesisyon dito. Subalit kapag may limitasyon sa Konstitution na kailangang ipaliwanag – tulad ng kahulugan ng salitang “initiate” sa kaso noon ni Chief Justice Davide, katungkulan nito ang tumulong sa pag-unawa.
Pasensiya na lamang kung may masagasaan sa interpretasyon.
Kapag ganito ang pananaw ng Korte, hindi malayong mangyari na sumawsaw ito muli kung ang botong YES sa Conviction ay 15 o ang NO ay 7 lamang. Walang naunang kaso na magsisilbing aral kung sapat na ang 15 votes bilang 2/3 kung 23 lamang ang bilang ng nanunungkulang Senador. At kung sakaling ito ay maganap? Yanig ang mundo nating lahat.