EDITORYAL - Hanapin, killer ng broadcaster
SI Marlina Flores-Somera ang ika-apat na broadcaster at tanging babae na pinatay sa ilalim ng Aquino administration. Naglalakad sa Silonian St. Bgy. Maysilo, Malabon si Somera para pumasok sa radio station noong Huwebes ng umaga nang isang lalaki, mula sa likuran ang bumaril sa kanyang batok. Naglagos ang bala sa kanyang mata. Bumulagta si Somera. Mabilis na tumakas ang killer. Isinugod sa Valenzuela General Hospital si Somera pero patay na nang idating doon. Ayon sa mga nakasaksi, ilang araw nang may aali-aligid na mga lalaki sa pinangyarihan ng krimen. Blanko pa ang Northern Police District sa pagpatay sa broadcaster. Nakapangangamba na matulad na naman sa ibang unsolved na kaso ang pagpatay na ito.
Noong Hulyo 3, 2010, ilang araw makaraang maupo si President Noynoy Aquino, binaril at napatay ang da-ting anchor at reporter na si Jose Daguio sa kanyang bahay sa Kalinga, Mountain Province. Isang linggo ang nakalipas, binaril din si Miguel Belen, reporter ng radio DWEB sa Nabua, Camarines Sur ng mga lala-king nakamotorsiklo. Namatay si Belen noong Hulyo 31, 2010. Noong Enero 24, 2011, binaril at napatay ang radio commentator at environmentalist na si Gerry Ortega habang may binibili sa isang tindahan sa Puerto Princesa City, Palawan. Umano’y pinatay si Ortega dahil sa pagbatikos sa mining operation sa Palawan.
Ang Pilipinas ay ikalawa sa mga mapanganib na lugar sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Iraq. Maraming pinatay na mamamahayag noong panahon ni dating President Marcos. Nang manungkulan si da-ting President Gloria Arroyo, marami rin ang pinatay na mamamahayag. Isa sa nakapangingilabot ay ang pagpatay sa 30 mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009. Kabilang sila sa “Maguindanao massacre”. Hanggang ngayon, patuloy na dinidinig ang kaso kung saan ang pangunahing mga suspect ay ang pamilya Ampatuan.
Ngayon ay mayroon na namang pinatay na mamamahayag. Kailan titigil ang pagpatay na ito? Marami ang naniniwala sa kakayahan ni P-Noy at patunay ang hindi matinag na taas ng kanyang rating. Patunayan naman sana na kaya niyang lutasin ang mga pagpatay. Bigyang proteksiyon ang mga mamamahayag.
- Latest
- Trending