SA kabuuan ng pagbasa sa ikatatlong linggo ng Kuwaresma ay ipinahahayag sa atin ang kahalagahan ng tubig. Mahirap ang mauhaw. Sinisi ng mga Israelita si Moises na inalis pa sila sa lupain ng Egypt. Sa kanilang paglalakbay ay walang tubig silang mainom. Uhaw na uhaw sila at pawang galit kay Moises. Sa pagsusumamo niya sa Panginoon ay bumukal ang tubig mula sa malaking bato sa Horeb at nawala ang kanilang uhaw. Kaya pinangalanan nila itong Masa at Meriba.
“Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.” Ang pananalig natin kay Hesus ang nagpapawalang-sala sa atin. Ibig Niya na kasama ng ating pa-nanalig ang buod ng ating pagsisisi. Nagbubunga ito ng pag-ibig sa atin ng Diyos. Ibinuhos sa ating puso ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ipinahayag ni Hesus sa ebanghelyo na ang ibibigay Niyang tubig ay hindi lamang yaong nakapag-aalis ng uhaw kundi tubig na nagbibigay ng buhay. “Ito’y magi-ging isang bukal sa loob n’ya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan”.
Nabighani ang samaritana at nais niya kaagad ay magkaroon ng tubig ng buhay. Sinubukan siya ni Hesus: “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa”.
Nagsinungaling pa ang babae na wala raw siyang asawa. Ipinahayag naman ni Hesus ang katotohanan sa babae na lima na ang kanyang naging asawa at meron pang kinakasama. Ibig sabihin gagantimpalaan tayo ng tubig ng buhay kung ating pagsisisihan ang kasalanan.
Sa ating paglapit sa Panginoon tuwing tayo ay nagdarasal, kalimitan ay pawang paghingi kay Hesus ang ating sinasabi. Maging sa pagnonobena sa Panginoon at sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birhen Maria ay halos 80% ay pawang paghingi ng biyaya o katuparan ng mga plano sa buhay.
Sa banal na Misa di ba ninyo napapansin na ang simula ng pagdiriwang ay pawang paghingi ng kapatawaran sa Panginoon? Ako’y nagkukum-pisal … Panginoon, maawa Ka, Kristo, maawa Ka! Kaawaan tayo ng makapangyarihan Diyos at patawarin tayo sa ating mga kasalanan. Amen.
Exodo 17:3-7; Salmo 94; Rom 5:1-2, 5-8 at Jn 4:5-42