MAY 800 town mayors na miyembro ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang sumali sa Mindanao leg ng Local Government Summit on Mainstreaming Climate Change Adaptation in the Philippines na ginanap sa Grand Regal Hotel noong March 16 kung saan dinaluhan mismo ni President Aquino.
Dumulog ang mga mayor kay Aquino ng karagdagang budget allocation para sa sinasabing disaster risk reduction and climate change allocation. Ito ay dahil na rin sa sunud-sunod na mga trahedya na nanalasa sa iba’t ibang bahagi ng mundo kasama na ang nangyaring earthquake at tsunami sa Japan noong nakaraang linggo. Ang karagdagang budget na hinihingi ay maliban pa sa calamity fund ng kanya-kanyang local government unit.
Kahit na hindi naman tahasang sinabi ni Aquino na magpapalabas ng karagdagang pondo, sigurado iyon na tutulong talaga ang nasyonal na pamahalaan sa paghahanda ng LGUs sa kung anumang kalamidad. Kaya nga wala nang excuse ngayon ang local officials na walang pondo. Dahil sigurado itong maging priority agenda ng pamahalaan dahil nga sa harap ng mga disasters na nangyayari bunsod ng climate change.
Bantayan at hikayatin ang mga local government officials, lalo na ang mga governor at mga mayor na kumilos na sa paghahanda sa kung ano mang kalamidad o sakuna na darating sa ating mga lugar. Kailangan nang pag-ibayuhin ang mahalagang role ng ating mga barangay officials na ating first line of defense and refuge kung ano man ang mangyayari.
Dapat may nakalaan nang mga evacuation centers kung sakaling may tsunami o ano mang sakuna. Dapat alam ng mga residente kung saan sila tatakbo kung sakasakali man at hindi yong takbo lang ng takbo na wala naming patutunguhan. Maraming bahagi rin ng Mindanao ang kino-consider na flood at landslide-prone areas. At para na ngang walang hupang rumaragasa ang tubig baha lalo na sa Caraga Region.
At sa harap ng mga disasters na ito karapatan nating mga mamamayan na bulabugin ang mga mayor at iba pang local officials na dapat nilang gawin ang tama at nararapat. Alalahanin ninyo na humingi ang mga mayor ng karagdagang pondo sa ngalan ng disaster risk reduction at climate change.
Huwag hayaan na imbes na climate change maging change of lifestyle para sa mga mayor ang mangyayari sa pamimigay ng karagdagang pondo na ito na peligrong maging daan ng tsunami of goodies para sa ating mga opisyales.