UNANG nagpakasal si Orlando kay Marita. Pero sandali lang ang kanilang naging pagsasama at naghiwalay sila matapos ang unang digmaan. Lumipat si Orlando sa Maynila noong panahon ng Hapon. Habang nasa siyudad, nakilala niya si Narda at nakalimutan na si Marita. Pinakasalan ni Orlando si Narda kahit kasal kay Marita.
Matapos ang giyera, nagnegosyo si Orlando. Bumili ng mga kalakal mula sa ibang bansa. Sa isa sa mga biyahe, nakilala niya si Lily, isang Intsik na nakatira sa Hong Kong. Nagkagustuhan sila. Nahumaling si Orlando kay Lily at inakala niya na sapat na ito upang hiwalayan si Narda. Pero hindi ito nararamdaman ni Lily. Ang pag-ibig ni Lily ay dinidiktahan ng puso at mga pangangailangan.
Gusto raw ni Lily ay pumunta sa Pilipinas at maging Pilipino citizen. Sinabi niya ito kay Orlando at payag naman ang lalaki. Gusto naman talaga niyang dalhin si Lily sa Pilipinas kaya pinakasalan niya ito. Matapos ang kasal, bumalik ng Maynila sina Orlando at Lily. Ipinaayos ni Orlando ang mga papeles ng babae upang maging ganap na Pilipino. Bilang legal na asawa, tumestigo pa ang lalaki sa pagdinig ng dating Board Special Inquiry. Sinabi ni Orlando na hindi pa siya ikinasal at wala pang naging unang asawa. Napadali ang pagiging Pilipino ni Lily.
Nang madiskubre ng opisyales ng BSI ang papeles ng kasal ni Orlando at ni Narda, pinilit nitong bawiin ang desisyon na tinatanggap si Lily bilang Pilipino. Inutos din na arestuhin at pabalikin si Lily sa sariling bansa. Si Orlando naman ay kinasuhan ng perjury sa ginawang testimonya. Nagtagumpay si Lily na huwag munang mapabalik sa Hong Kong sa bisa ng TRO. Ipinagpilitan ni Lily na isa siyang Pilipino habang hindi pa lumalabas ang desisyon sa kaso ni Orlando ng “perjury”. Napawalang-sala si Orlando sa kaso dahil napatunayan na pinakasalan niya si Narda habang kasal pa siya kay Marita kaya lumalabas na walang bisa ang kasal ni Orlando kay Narda. Gamit ang desisyong ito, argumento ni Lily, Pilipino pa rin siya. Tama ba si Lily?
MALI. Kahit sabihin pa na legal ang kasal nina Orlando at Lily sa Hong Kong, hindi naman ibig sabihin nito na awtomatikong na-ging Pilipino si Lily. Hindi porke nagpakasal sa isang Pilipino ang isang banyaga, Pilipino na rin siya. Kaila-ngan muna niyang patunayan na taglay niya ang lahat ng kuwalipikasyon at wala siyang anumang taglay na diskwalipikasyon sa ilalim ng batas. (Brito vs. Commissioner of Immigration, 14 SCRA 539).