ISANG makasaysayang kasunduan sa pangangalaga ng kalikasan ang nakatakda sanang lagdaan kaugnay ng pagbisita ni Presidente Noynoy Aquino sa Singapore.
Pero nasilat, kasi iginiit daw ni Environment Secre-tary Ramon J.P. Paje ang $50,000 (P2.15 million) na taunang bayad ng Singapore para sa paglalagay ng Philippine eagle sa bird park ng naturang bansa, anang Alyansa Para Ipagtanggol ang Kalikasan (API-Ka).
“Kung kilala ang Singapore bilang “Lion City” layunin naman na makilala rin ang Davao City bilang Eagle City” ani Ka Lando dela Merced, tagapagsalita ng API-Ka. Ang $50,000 na hinihingi ni Paje ay katumbas lamang ng kikitain mula sa 50 turistang Singaporean na gumagastos ng tig-iisang libong dolyar kada bisita sa Pilipinas. Sa kasunduan, magtutulungan ang Pilipinas at Singapore.
“At habang ang pangunahing pansin niya (Paje) ay nakatuon sa paghingi ng pera sa Singapore, patuloy naman niyang ipinagwawalang-bahala ang aming mga hinaing tungkol sa kurapsyon sa DENR.” Dagdag ni dela Merced.
Si Paje, na itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangalawang kalihim na mamumuno sa Minerals Development Council, ay napalathalang may kinalaman sa pagbibigay ng extraction permit sa isang kumpanya ng mga katutubo sa Cebu na umano’y nagsisilbi lamang na “front” ng isang malaking kumpanya sa pagmimina.
Meron din na kasong nakabinbin sa Ombudsman laban kay Paje tungkol sa “Usurpation of Authority” o paggamit ng kapangyarihan ng noon ay DENR Secretary Ely Quinto nang siya ay lumagda sa mga special order na nagtatalaga sa mga opisyal at empleyado nang walang pahintulot ng kalihim.
Ayon kay Quinto, kailanman ay hindi niya binigyan ng pahintulot si Paje na mag-isyu ng mga natu-rang order.
Kasama sa kasong iyon ang isang petisyon sa Career Executive Services Board na alisan ng ranggo si Paje bilang isang career executive.