Pabayang Ombudsman nararapat ba i-impeach?

“TAMAAN sana ng kidlat ang sinumang nagpasuhol,” ani Ombudsman Gutierrez sa Senate investigation ng plea bargain ni Gen. Carlos Garcia. Pinalalabas niya na wala naman siyang maruming kinita sa plea deal. At ayon sa tagapagsalita, hindi rin daw siya nagpasuhol sa pagwawalang-kilos o -sala sa mga sangkot sa NBN-ZTE, Diwalwal-ZTE, fertilizer, NAIA-3, MegaPacific, Garcia-Ligot, at jueteng scams (Sapol, 7 Mar. 2011).

Hindi kailangan magnakaw ang isang impeachable official bago ito ihabla sa House of Reps at litisin sa Senado. Ang pagiging pabaya mismo ay impeachable offense na. Bakit? Saad kasi sa Konstitusyon, Artikulo XI, Kapanagutan ng mga Pinunong Bayan, Seksiyon 1: “Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa taumbayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinaka-mataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagka-makabayan, at katarungan, at mamuhay ng buong kapakumbabaan.”

Sa pagpapabaya sa tungkulin, nilabag ni Gutierrez ang alituntunin ng Konstitusyon sa “pakundangan, da­ngal, katapatan, at kahusayan.” Sinira niya ang tiwala ng publiko sa Ombudsman. Dapat siya i-impeach dahil din sa “pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan” (Seksiyon 2).

Sa pagpapabaya sa tungkulin, nilabag din ni Gu­tierrez ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act (R.A. 3019, na dapat niyang itaguyod bilang Ombudsman. Tinukoy mismo sa batas (Seksiyon 3-f) na krimen ang pagpapabaya at hindi pagkilos nang walang matinong rason. Hindi kailangang suhulan ang isang opisyal para ituring na guilty sa salang pagpapabaya. Sapat na ang kawalang aksiyon, dahil napapaboran nito ang interes ng ilan at niyuyurak ang interes ng mamamayan.

* * *

Lumiham sa: jariusbondoc@workmail.com

Show comments