Magandang panahon
Nang kami’y magising kaninang umaga –
Ako ay naupo sa giid ng kama
Sabay nag-antanda at saka nagwika
Salamat sa Diyos kami ay buhay pa!
Nang kami’y sumulyap sa labas ng bahay
Sa ami’y bumati liwanag ng araw;
Sa munting bintana nang kami’y sumungaw
Magandang panahon ang aming natanaw!
Di ito katulad ng araw kahapon –
Madilim ang langit saka umaambon;
Malakas ang ihip ng hangin maghapon
Ang mga halaman ay basa ang dahon!
At saka kahapon parang nagluluksa
Inang kalikasan parang lumuluha;
Dahil sa pumanaw ang isang nilikha
Kanegosyong tapat ng aming binata!
Pagyao ng best friend halos nakasabay
Ng dito’y paglisan ng isang heneral;
Dalwang kamatayan bagama’t hiwalay –
Parang dinamdam din nitong kalikasan!
At ngayong maganda ayos ng panahon
Anak kong nag-abroad dumating na ngayon
Kaya tuwa namin sa puso’y kumandong
Pagka’t nakauwi anak kong marunong!
At ngayong umaga anak ko’y tumawag
Sa sinakyang airplane nakababa na raw;
Tuloy sa Makati sa kanyang tanggapan
Bukas na uuwi sa aming tahanan!
Kaya ang puso ko’t ng aking pamilya
Sa ganda ng araw kami ay masaya;
Dumating kong anak wala nang kasama
Sasabihan naming dito na lang siya!
Sisikapin naming siya’y kumbinsihin –
Mga kanegosyo dito na kontakin;
Dito na maglagi – malapit sa amin
Kalusugan niya’y alaga pa namin!
- Latest
- Trending