NAGTIPON ang grupo ng alumni, pawang mga establisado na sa kani-kanilang propesyon, para bisitahin ang dating propesor sa pamantasan. Agad nauwi ang usapan nila sa stress sa trabaho at sa buhay.
Inalok ng propesor na magkape ang mga bisita. Naglabas siya mula sa kusina nang malaking takore ng kape, at iba’t ibang klaseng tasa: Porselana, plastic, glass, crystal, bakal; ilan ay simple ang disenyo, ilan ay mamahalin, at iba ay magarbo. Aniya magkanya-kanya silang kuha ng kape.
Nang makakuha na lahat ng alumni ng tasang kape, nagwika ang propesor: “Kung mapapansin niyo, lahat ng mamahalin at magagarbong tasa ay nakuha. Naiwan ang mga simple at mumurahin.”
Nagtinginan ang mga bisita. Alam na nila ang kasunod. Bibigyan sila ng propesor ng malalim na leksiyon sa buhay.
At nagpatuloy nga ang pantas: “Normal lang naisin ang pinaka-maganda para sa sarili. Pero ‘yan ang ugat ng inyong stress at problema.
Tiyak tayo na ang tasa mismo ay walang naidadagdag sa quality ng kape. Mas mahal o marikit lang ang ilang tasa, o naitatago ang iniinom natin. Lahat kayo ang gusto lang ay kape, hindi ang tasa. Pero sadyang kinuha niyo ang pinaka-magagandang tasa. Saka ninyo pinansin ang tasa ng bawat isa.
“Pakaisipin ito: Ang buhay ay parang kape; ang trabaho, pera, posisyon sa lipunan ang mga tasa. Mga pamamaraan lang sila para ilulan ang Buhay. Pero hindi nauukit o nababago ng uri ng tasang meron tayo ang tunay na quality ng ating buhay.
“Kung minsan, sa kapapansin sa tasa, nakakalimutan natin enjoy-in ang kape. Nam namin ang kape, hindi ang tasa. Ang pinaka-masasayang tao ay wala nang pina kamagagandang gamit. Marunong lang sila lubusin ang buhay. Mamuhay nang simple. Magmahal nang sagad. Makipag-kapwa-tao nang matindi. At magsalita nang marahan.”