MARAMING natuwa sa paglambot ng China dahil sa pagpapaliban ng pagbitay sa tatlong Pilipino. Ang tatlo ay nahulihang nagpapasok ng illegal na droga. Kamatayan ang pangunahing parusa sa krimeng ito sa China. Kung natuloy ang pagbitay, wala na sana ang tatlong Pilipino sa araw na ito. Kung gaano katagal silang maghihintay ng panibagong araw ng pagbitay, o kung mababawasan ang kanilang sentensiya ay wala pang may alam.
Kaya marami ang nagtatanong – may kapalit ba ang ginawa ng China? Pati mga taga-China na opisyal dito ay nagulat sa desisyon. Ayon sa mga eksperto sa pandaigdigang batas at politika, baka malaki ang kapalit nito sa Pilipinas. Baka balang araw ay “maningil” ang China para sa pabor na ito. Dagdag pa, ayon sa batas ng China, dalawang taon ang pinaka-mahabang panahon na puwedeng ipagpaliban ang bitay.
May nagsasabi na nauna na tayong nagpakita ng magandang kilos sa China. Ang hindi natin pagdalo sa Nobel Peace Prize, kung saan isang aktibistang taga-China ang pinarangalan. Nagprotesta ang China sa pagbibigay ng award sa aktibista. Tapos, ang pagdeport ng 14 Taiwanese sa China. Pero nagalit naman ang Taiwan sa ginawang ito. Inaayos pa ang relasyon sa Taiwan dahil bumabawi na sa pamamagitan ng pagpapahirap sa mga OFW na makapasok sa bansa!
Hindi pa nga natin alam ang buong epekto ng pagbago ng isip ng China hinggil sa tatlong bibitayin na sana. Pero isa ang malinaw. Hindi kinukunsinti ng Pilipinas ang paglabag sa mga batas ng anumang bansa, lalo na kapag iligal na droga na ang pinag-uusapan. Ang pakikiusap sa China para huwag ituloy ang bitay ay isang kilos makatao. Dapat pag-aralan muli ang kanilang mga kaso kung talagang may kasalanan sila o nabiktima lamang. Bakasakaling panghabambuhay na kulong na lang imbis na bitay ang parusa. Kung totoo ang pahayag ni Teresita Ang-See na alam ng tatlo ang kanilang dalang droga, wala na sigurong mababago sa desisyon.