Nag-uumpugang bato
Separation of powers. Executive, legislative and judicial. Pinaghiwa-hiwalay na kapangyarihan upang hindi ma-solo ng iisang kagawaran. Checks and Balances. Kaakibat na prinsipyo kung saan ang mga kagawaran naman ay may puwersa na bantayan ang kapwa sakaling abusuhin ang tokang kapangyarihan. Madalang nagbabanggaan o nagkakatagpo ang tatlo. Kaya’t bawat pagkakataon na mangyari ito ay inaabangan.
Sa realidad ngayon ni Merceditas Gutierrez, meron tayong salpukan ng Executive (Ombudsman) Legislative (Kongreso) at Judicial (Supreme Court) branches. Sa impeachment case na inihain laban sa kanya, nagtagpo ang Legislative vs. Executive. Hinarang naman ito pansamantala ng Supreme Court (Judicial vs. Legislative). Sa kaso naman ng Garcia plunder, muling nagtagpo ang Legislative vs. Executive sa public hearing.
Ang mga hearing — kung makikinig ng masinsinan – ay parang mga classroom. Masasaksihan ang hangganan ng kanya kanyang kapangyarihan at ang mga taktikang gamit ng magkatunggali upang maisahan ang kabila. Gaya halimbawa sa Plunder hearings kung saan hiling ng mga kongresista na bawiin ni Gutierrez ang plea bargain. Hanggang pakiusap lang sila dahil ang may pangunahing responsibilidad sa imbestigasyon laban sa public officials ay ang Executive sa katauhan ng Ombudsman. Gaano mang kahusay na abogado ang mga kongresista, mananaig pa rin ang “maling” desisyon ni Gutierrez kung pa-ngatawanan. At tama lang na pangatawanan ni Gutierrez ang kontrobersyal na desisyon kung kumbinsido siyang tama ito dahil ano naman ang mukhang ihaharap sa tao kung umaming mali ang kanyang trabaho?
Kitang kita dito ang konsepto ng Separation of Powers. Ang pag-imbestiga ay executive power. Kahit ipilit ng mga congressman, wala itong magagawa para palitan ang desisyon ng imbestigador. Kung hindi sila masaya, hindi ang desisyon ang papalitan nila. Mismong ang nagdesisyon ang pwede nilang subukan palitan. Sa konsepto naman ng Checks and Balances, maari nilang mapatanggal ang Ombudsman sa pamamagitan ng Impeachment.
Ang pag-uuntugan ng mga puwersang ito ay madalas bumubunga ng paralysis sa pamamalakad ng pamahalaan. Hindi ito dapat indain dahil sa huli, ang pag-ayos ng gulo ay nagreresulta din sa mas magandang pag-unawa ng kahulugan ng Saligang Batas.
- Latest
- Trending